Nakaisip ng ibang paraan ang magkakaopisina kung sino ang magbabayad sa kanilang mga kinain sa isang restaurant sa Pasay City.

Sa ulat ng GTV "State of the Nation" nitong Miyerkules, sinabing nakatuwaan ng magkakaopisina na mag-isip ng kakaibang paraan sa pagbabayad matapos silang mag-dinner sa isang buffet restaurant.

Ipinakita ang video na unang ini-upload sa social media na pinagsama-sama ng magkakaopisina ang kanilang mga ATM card.

Pagkatapos nito, hinayaan nila ang waitress na siyang bumunot kung kanilang ATM card ang gagamitin sa pagbabayad.

Naisip daw nila ito dahil kasasahod lang nila at may darating pang 13th month pay.

Malakas ang tawanan ng magkakaopisina nang mabunot na kung sino ang magbabayad.

Naaliw din sa naturang katuwaan ang waitress at pati ang mga netizen na nakapanood sa kanilang video.--FRJ, GMA News