Isang bansa sa Central America ang may kakaibang tradisyon na pagsusunog ng mga effigy ng demonyo bilang simbolo ng "purification" sa pagsisimula ng Kapaskuhan.
Sa GMA News Feed, sinabing ginaganap sa bansang Guatemala ang taunang tradisyon na "Burning of the Devil."
Ipinagdiriwang ito ng mga Guatemalan tuwing gabi ng Disyembre 7.
Gumagawa sila ng mga bonfire at doon nila susunugin ang effigy ng diyablo kasama ang iba pang "junk" o kalat sa kanilang mga tahanan.
Ang "Burning of the Devil" ay simbolo ng "purification" bago ang pagdiriwang ng Immaculate Conception sa Disyembre 8.
Nagsimula umano ang tradisyong ito noong ika-16 na siglo nang dumating sa Guatemala ang mga Espanyol.
May ilang Guatemalan ang nagsusunog ng maliliit na devil effigies, samantalang ang iba ay gumagamit din ng higanteng effigies.
Kung minsan, sinusuotan din nila ito ng mga luma at itatapon nang damit bago silaban.
Sa isang komumidad sa Guatemala City, isang demonyo na may hawak na syringe at dollar bills ang sinunog bilang pagkondena ng mga mamamayan sa umano'y mismanagement at kurapsyon ng gobyerno sa gitna ng naranasang pandemya. --FRJ, GMA News