Nauwi sa trahediya ang biyahe ng mga miyembro ng isang choir sa Kenya nang tangayin ng malakas na agos ang sinasakyan nilang bus at mahulog sa ilog.
Sa video na mapapanood sa GMA News Feed, makikita ang bus na sinasakyan ng nasa mahigit 40 katao na dahan-dahan na tinatawid ang tulay na inabot na ng tubig sa Kitui Country, Kenya.
Malapit na sana sa dulo ang bus pero bigla itong tumigil at pinatumba ng malakas na agos na tubig, hanggang sa mahulog sa ilog.
Ilang pasahero ang nakalabas sa bintana at umakyat sa ibabaw ng bus na unti-unti nang lumubog sa tubig.
Hindi naman makalapit kaagad ang mga taong nakasaksi sa insidente dahil na rin sa lakas ng agos.
Ilang saglit pa, halos hindi na makita ang bus dahil sa taas ng tubig.
Sa tala ng mga awtoridad, hindi 23 biktima ang kaagad na nakuha ang bangkay, habang nakita ang siyam pang biktima nang maialis sa ilog ang bus.
Nakaligtas naman ang 12 pasahero, kabilang ang apat na bata.
Ayon sa Mwingi East Sub-country police, miyembro ng choir ang mga sakay ng bus at papunta sa kasal ng isa nilang kasamahan.
Hindi pa malinaw kung bakit pinilit ng driver na tumawid sa tulay kahit lubog na ito baha.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nangyaring trahediya.-- FRJ, GMA News