Bagaman mas marami ang mga babae nasa online business, lumalabas naman sa isang pag-aaral na mas malakas kumita ang mga lalaking online seller.
Sa isinagawang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) na ‘Expanded Data Analysis and Policy Research for National ICT Household Survey 2019,” lumilitaw na limang porsiyento ng mga kababaihan gumagamit ng internet ang nasa online selling.
Mas mataas ito kumpara sa apat na porsiyento ng mga kalalakihan.
Sa naturang pag-aaral, lumitaw daw na mayroong average sales na P10,898 ang mga lalaking nasa online business, kumpara naman sa P6,041 ng mga kababaihan.
Gayunman, kailangan pa raw ng dagdag na datos para malaman kung may kinalaman ang kasarian sa kaibahan ng mga numero o may iba pang dahilan.
“We conducted some basic econometric modeling and observed that engagement in online selling is more likely for women, married individuals, and more educated persons,” ayon kay PIDS Senior Research Fellow Jose Ramon Albert, isa sa may akda ng pag-aaral.
“As a person grows older, there is a greater chance of engaging in online selling, but this reverses among older people,” dagdag niya.
May-akda rin sa naturang pag-aaral sina Senior Research Fellow Francis Mark Quimba, Research Fellow Aubrey D. Tabuga, Consultant Mary Grace Mirandilla-Santos, former Supervising Research Specialist Maureen Ane D. Rosellon, Research Specialist Jana Flor V. Vizmanos, Research Analyst Mika S. Muñoz, at dating Research Analyst Carlos C. Cabaero.
Ayon kay Albert, hindi masyadong pumapasok sa online selling ang mga tao na nasa rural areas. Mas pumapasok naman sa online selling ang mga unemployed, self-employed, at estudyante kumpara sa mga may trabaho.
“Homemakers are less likely to engage in online selling compared to employed workers,” dagdag ni Albert.
Iminungkahi naman ng mga mananaliksik sa pamahalaan na magpatupad ng mga programa para madagdagan ang digital skills ng mga tao.
“The country needs to regularly measure and monitor digital skills — both life skills and competencies for work,” ayon sa pag-aaral.
“Training the older population and less educated concerning the practical applications of ICT, as well as enhancing the general population’s knowledge and usage of online platforms in conducting online transactions, will equitably improve the population’s ability to benefit from ICT,” dagdag nito. — FRJ, GMA News