Nawalan ng cellphone ang ilang kabataan matapos itong hablutin ng riding-in-tandem ang habang nagti-Tiktok sila sa tabing-kalsada sa Caloocan City. Ang insidente, nasapul sa CCTV.
Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, makikita sa CCTV ang pagtayo ng isang batang babae na tila sumasayaw, habang nagti-Tiktok silang magkakaibigan pasado 6 p.m. ng Lunes sa Bgy. 172 sa nasabing siyudad.
Ilang saglit pa, nakunan ang pagdating ng riding-in-tandem na dalawang lalaki.
Nagtatakbo ang batang babae kasama ang mga kalaro matapos tangayin ang kaniyang cellphone ng mga suspek.
Hindi pa natapos ang mga suspek nang tangayin din nila ang cellphone ng isang binatilyo.
Natulala na lamang ang bata matapos tumakas ang mga salarin.
"Na-trauma po ako. Hinawakan po ako rito tapos dahan-dahan pong kinuha 'yung cellphone ko," sabi ng batang babaeng ninakawan.
"Hindi po ako nakagalaw, nagdilim po 'yung paningin ko. Huwag daw po akong sisigaw, babarilin daw po nila ako," sabi naman ng binatilyong ninakawan.
Dagdag-problema pa sa mga bata ang pagkawala ng kanilang cellphone dahil naroon ang kanilang module sa paaralan.
Ipinagbigay-alam na ng mga biktima ang insidente sa mga opisyal ng barangay.
Sinabi ng mga awtoridad sa lugar na lagi silang may mga rumurondang tanod.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News