Kinasuhan ng sex trafficking ng piskalya sa Amerika si Apollo Carreon Quiboloy, ang nagtatag ng Kingdom of Jesus Christ, The Name Above Every Name (KOJC).
Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, sinabing nakasaad sa 74-pahinang habla ng Federal prosecutors sa Los Angeles, na inakusahan si Quiboloy at iba pang opisyal ng KOJC na umano'y pagpapatakbo ng sex trafficking operations.
Mga kabataan na hanggang edad 12 umano ang biktima ng mga inaakusahan sa kaso.
Sinisikap pang makuha ang pahayag ni Quiboloy tungkol rito pero dati na niyang itinanggi ang mga paratang laban sa kaniya.
Ang naturang demanda ay pinalawak umano mula sa dating alegasyon noong nakaraang taon tungkol sa tatlong church administrators na nakabase sa lungsod.
Lumitaw na siyam katao umano ang kasama sa ilegal na gawain na ipinapasok sa Amerika ang ilang miyembro ng kanilang simbahan gamit ang pekeng visa at inuutusang manghingi ng donasyon para sa pekeng charity group ng kabataan.
Ayon sa piskalya, ang nalilikom na donasyon ay ginagamit umanong panggastos sa maluhong pamumuhay ng mga lider ng kanilang simbahan.
Samantala sa isang pahayag, sinabi ng Philippine Consulate General sa Los Angeles na masusi nilang sinusubaybayan ang kaso.
"The Consulate General is aware of the federal grand jury indictments that were unsealed today and the ongoing investigation by U.S. law enforcement agencies, including the FBI (Federal Bureau of Investigation)," ayon sa konsulado.
"The Consulate General fully respects the laws of the state of California and the United States of America and will seek avenues to extend consular assistance to both the accused and the victims as appropriate," dagdag nito. --FRJ, GMA News