Humingi ng payong legal sa "Sumbungan ng Bayan" ang isang netizen tungkol sa taong nakalimutan nang bayaran ang hiniram sa kaniyang pera.
Ayon sa netizen, dalawang taon na ang nakalilipas ay hindi pa rin umano nagbabayad ang taong umutang sa kaniya at tila kinalimutan na ang obligasyon na magbayad.
Kaya humingi siya ng payo sa programa kung ano ang puwede niyang gawin para ipaalala sa naturang tao ang utang sa kaniya.
Ayon kay Atty. Jhoel Raquedan, maaaring dumulog sa korte ang netizen sa pamamagitan ng Small Claims Courts (SCCs), na bukod sa mabilis ang gagawing pagdinig sa kaso ay hindi na rin kailangan ang abogado.
Sadya raw itinatag ng Korte Suprema ang SCCs dahil nakita ng mga mahistrado na maraming kaso ng maliliit na pautang ang hindi na dinadala ang usapin sa korte dahil sa matrabaho, maproseso at magastos.
Mga usapin tungkol sa utang na mula P300,000 pababa lang ang maaaring idulot sa SCCs.
Paliwanag ni Raquedan, sa SCCs ay kailangan lang mag-fill up ng form ang magrereklamo at ilagay ang mga mahahalagang detalye ng kaniyang sumbong.
Kabilang na rito ang halaga na kaniyang hinahabol at kung sino ang taong may pagkakautang sa kaniya para ipatawag ng korte at hingan ng paliwanag.
Sa sandaling mapatunay ng hukom na may utang ang taong inirereklamo, uutusan siya na magbayad.
"Ngayon kung hindi ka magbayad at hindi mo sundin yung utos ng husgado may consequences sa'yo," paalala ni Raquedan.
Ayon kay Atty Aleizel Santos, hanggang P300,000 pababa ang puwedeng idulot sa SCCs sa mga lalawigan, at hanggang P400,000 pababa naman sa Metropolitan Trial Court.
Sadya umanong mabilis ang gagawing pagdinig ng korte sa mga usaping ilalapit sa SCCs basta ilagay lang ang mga kailangang detalye. --FRJ, GMA News