Suwerte kung ituring ng ilang residente sa isang barangay sa T'Boli sa South Cotabato ang bagong silang na sanggol na may nakadikit na mga binti sa kaniyang dibdib.

Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, makikita ang sanggol na lalaki habang nakadikit at tila nakayakap sa kaniya ang dalawang binti na may mga paa.

Mayroon ding dalawang kamay ang kambal na hindi nabuo, at pati na maselang bahagi ng katawan.

Dahil sa paniwalang suwerte, dinadayo ng mga tao ang bahay ng sanggol para makita.

Pero para sa ina ng sanggol, batid niya ang hirap na pinagdadaanan ng kaniyang anak dahil sa kalagayan nito.

Ayon kay Angie, walang naman daw naging problema noong pinagbubuntis niya ang anak, at may lahi raw silang kambal.

Kaya hindi niya inakala na ganoong ang magiging hitsura ng kaniyang anak na may tinatawag na parasitic twin, o kakambal na hindi nabuo.

Iisa lang umano sa kada isang milyon panganganak nangyayari ang nitong kaso.

At kahit pa sinasabi ng mga tao na suwerte ang sanggol, aminado ang ama ng bata na hirap pa rin ang kanilang buhay.

Ayon kay Ricky na ama ng sanggol, nagbebenta lang siya ng kamote at saging sa palengke para may maipakain siya sa kaniyang mag-ina.

Upang maipasuri ang kalagayan ng sanggol na napansin ding namamaga ang pusod, dinala siya sa ospital. May pag-asa pa nga kayang maalis ang hindi nabuong kakambal ng sanggol? Panoorin ang buong kuwento sa video ng "KMJS."

--FRJ, GMA News