Nahuli-cam ang pagkahulog ng isang bata na isang-taong-gulang mula sa umaandar na taxi na mabuksan umano ang pinto sa Baguio City.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, nasaksihan ng taxi driver na si Melvin Joe Cadawas ang insidente habang nakasunod siya sa isa pang taxi sa Irisan Road.
Sa dash camera ng taxi ni Cadawas, makikita na may nahulog mula sa kaliwang pintuan ng taxi na kaniyang nasa unahan. Inakala raw niya noong una na kung anong "bagay" lang ang nahulog.
"Siyempre driver's instinct, mapapapreno ka agad, tapos nagulat na lang ako kasi napansin ko na lang may umangat na parang paa. Doon ko lang na-realize na bata pala 'yung nalaglag," sabi ni Cadawas.
Hanggang sa bumaba ang isang babae mula sa taxi na nauuna at kaagad na kinuha ang bata.
Sa kabutihang palad, walang kasalubong na sasakyan ang taxi nang mangyari ang insidente.
Nasa ligtas na kondisyon na raw ngayon ang bata.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Christian dela Cruz, spokesperson ng Philippine National Police - Highway Patrol Group, natunton nila ang driver at ang taxi kung saan nahulog ang bata.
"'Yung bata nabuksan ang pinto. Pero ang [nakapagtataka] rito, kasama 'yung nanay sa likod," sabi ni dela Cruz.
Sinabi ng HPG na maaaring managot ang driver ng taxi kung saan nahulog ang bata, base na rin sa RA 11229 o Child Safety in Motor Vehicles Act.
Ayon kay dela Cruz, dapat na may special seat ang mga bata kapag isinasakay sila sa likod.
May parusang P1,000 hanggang P5,000 multa at suspensyon ng driver's license ang sinomang mahuhuling motorista na lalabag, pampubliko man o pribado.--Jamil Santos/FRJ, GMA News