Huwag maging madamot, sa halip, maging galante tayo tulad ng Panginoong Diyos sa pagtulong at paglalaan ng oras sa Kaniya. (Marcos 12:41-44)

"Sapagkat silang lahat ay naghulog ng mga labis nila. Ngunit siya [babaeng balo], sa kabila ng kaniyang karukhaan, ay inihulog ang lahat ng kaniyang kabuhayan. (Marcos 12:44)

Biro ng ilan, "karatista" ang tawag sa taong galante sapagkat nakabukas ang kaniyang mga palad. Habang "boksingero" naman daw ang mga kuripot dahil tikom ang kanilang kamao.

Kaya kung may tuksuhan kapag nagkakaloob ng tulong, may mga tinatawag na "boksingero" o "karatista," depende kung bukas-palad ang kanilang pagtulong.

Ilan kaya sa atin ang galante pagdating sa ating Panginoon? Hindi lang sa usaping materyal kung hindi maging sa paglalaan ng panahon o oras sa Kaniya.

Mababasa natin sa Mabuting Balita (Marcos 12:41-44) na habang nakaupo si Hesus sa tapat ng lalagyan ng mga kaloob sa loob ng Templo, napansin Niya na maraming mayayaman ang maghulog ng malalaking halaga. (Mk. 12:41)

Mayroong isang biyudang mahirap at naghulog ng dalawang singkwenta sentimo sa hulugan ng mga kaloob. (Mk. 12:43)

Pero winika ni Hesus sa Kaniyang mga Alagad na ang inihandog ng babaeng balo ay higit na marami kaysa sa inihulog ng mga mayayaman.

Ang paliwanag ni Hesus, labis na bahagi ng kayamanan ang inihahandog ng mga mayayaman, habang ang balong babae, "Sa kabila ng kaniyang karukhaan, ay inihulog ang lahat ng kaniyang kabuhayan."

Pagpapakita ito na hindi tumitingin ang Panginoon sa halaga ng tulong. Sa halip, tinitingnan niya ito sa kaibuturan ng puso ng nagkakaloob kung bukas ba sa kaniyang kalooban ang kaniyang ginagawang paghahandog o pagtulong.

May mga pagkakataon kasi na mayroon mga taong tumutulong pero may kapalit na hinihintay o mayroon ibang pakay. Ang iba, magkakaloob lang ng tulong para maipakita sa iba na tumutulong sila kahit hindi bukal sa kanilang kalooban.

Habang sa paglalaan naman ng oras sa Panginoon, tinitipid at nagmamadali ang mga nagsisimba o kahit sa pananalangin sa kanilang tahanan. Hindi ba tayo puwedeng maging galante sa pagbibigay ng oras natin sa Diyos?

Alalahanin natin na ang Panginoong Diyos ay napakagalante na isinugo Niya ang Kaniyang tanging Anak na inialay ang buhay sa Krus upang tubusin ang ating kasalanan.

Manalangin Tayo: Panginoon, turuan Niyo po kami na maging mapagbigay sa halip na magdamot sa mga taong lumalapit sa amin. Matularan namin nawa ang pagiging mapagbigay Mo nang walang pag-aalinlangan sa aming mga puso.  AMEN.

--FRJ, GMA News