Dahil sa jeepney, naitawid ang edukasyon ng apat na magkakapatid kahit pa pumanaw na ang kanilang ama na isang tsuper. Ang pangalan ng jeepney na naging katuwang sa pag-abot nila ng pangarap--"Air Jordan."

Sa isang episode ng "On Record," sinabing ipinangalan ni tatay Celso Torres sa paborito nitong NBA player na si Michael Jordan, ang kaniyang jeep na nabili niya noong 1997.

Bago pumanaw noong 2014, bumibiyahe si tatay Celso sa rutang GMA Cavite-Alabang-Dasmarinas City, araw-araw.

Kahit masama ang pakiraman kung minsan, kumakayod si Celso  para mabigyan ng magandang bukas ang kaniyang maybahay na si Jocelyn, at ang kanilang mga anak.

“Kahit sinusumpong na po siya ng rayuma niya, pinipilit pa rin po niyang bumiyahe," ayon sa anak na si JC Bell. "Kasi alam niya na kailangan namin ng mas malaking pera kasi nga kailangan namin ng pang tuition, pang baon, pang bayad sa mga ibang expenses ng school."

Pero kahit nawala na ang ama, naging sandigan nilang magkakapatid ang naiwang jeepney ng kanilang ama. Kumuha sila ng ibang magmamaneho nito upang matustusan pa rin ang kanilang pag-aaral.

Dahil sa pamanang "Air Jordan" ni tatay Celso, ang panganay niyang si Jonarcel ay naging special education teacher. Si JC Bell, naman ay logistics division chief sa Philippine Coast Guard.

Ang anak pa niya na si Cyryl, ay administrative personnel sa Philippine Air Force, habang ang bunso na si Joyce, future chef.

Iyon nga lang, wala na ang kanilang ama nang makapagtapos na sila ng kolehiyo. Kaya ang magkakapatid, binisita ang puntod ni Celso, dala ang kanilang mga diploma.

"Sayang, kasi wala ka na kasi di ba ito 'yung gusto mo? 'Yung maging stable... kaming magkakakpatid? At the same time, nakuha na namin diploma [namin]," ayon kay Jonarcel.

"Ayan ama, kumpleto naman siya, ikaw na lang yung kulang," dagdag pa niya.

Pagkaraan naman ng 24 na taon na serbisyo, nagpasya ang pamilya na ipagretiro na si "Air Jordan" sa pamamasada.

At kahit na nag-last trip na si "Air Jordan" noong Setyembre, mananatiling bahagi ng pamilya at buhay nila ang natatanging alaala ng kanilang masipag na ama. —FRJ, GMA News