Katulad ni Bartimeo, bulag din tayo dahil binulag tayo ng ating mga kasalanan. (Marcos 10:46-52)
HUWAG magbulag-bulagan. Madalas nating madinig 'yan sa mga taong may pinupuna o kaya naman ay gustong panindigan ang kaniyang ipinaglalaban sa kung anumang usapin.
Pagdating sa pag-ibig, madidinig naman natin ang kasabihang "love is blind." Dahil naman sa matinding pagmamahal ay hindi na nakikita pa ang kapintasan ng kaniyang sinisinta.
Sa isang banda, kung minsan ay tama na dapat bulag ang pag-ibig upang higit na mabigyan ng pansin ang panloob na katangian ng tao kaysa sa kaniyang pisikal na anyo.
Ang sinasabi nga ng iba, hindi bale nang pangit ang panlabas na anyo, basta busilak laman ang laman ng puso.
Ngunit pagdating sa mga usaping panlipunan o maging sa pagtingin sa tama at mali, ang tao ay hindi dapat magbulag-bulagan.
Kailangan na maging mulat ang ating mga mata sa katotohanan, at huwagtayong parang bulag na hindi nakikita ang tama sa mali, o ang mali sa tama. Kung may maling nangyari at hinayaan lamang nating magpatuloy, magiging bahagi tayo ng kasalanan kung tayo'y magbubulag-bulagan.
Sa Mabuting Balita (Marcos 10:46-52), matutunghayan ang kuwento ni Bartimeo na isang bulag at anak ni Timeo. Matagal na panahon na siyang nahihirapan at maaaring nawawalan na rin ng pag-asa na makakita.
Hanggang sa isang araw, dumating si Hesus sa kaniyang buhay nang magtungo ang Anak ng Diyos sa Jerico kasama ang Kaniyang mga Alagad.
Nang paalis na sina Hesus, nadaanan nila ang bulag na si Bartimeo na nakaupo sa tabi ng daan at namamalimos. (Mk. 10:46).
Nang marinig ni Bartimeo na naroroon sa Jerico ang Panginoong Hesus, nagsisigaw siya ng: "Hesus, Anak ni David. Mahabag po Kayo sa akin". (Mk. 10:47)
Sinaway at pinatatahimik ng mga tao si Bartimeo. Pero lalo pa niyang nilakasan ang kaniyang pagsusumamo hanggang sa madinig siya ni Hesus. (Mk. 10:48-50).
Ipinatawag ni Hesus ang pulubing bulag na si Bartimeo, at tinanong kung anong nais Niyang gawin sa kaniya. Nang sabihin niya ang tungkol sa kaniyang paningin, pinagaling siya ni Hesus dahil sa kaniyang pananampalataya.
Mapalad ang mga may paningin dahil makikita nila ang kagandahan ng mga likha ng Panginoon. Pero huwag nating piliin na mamuhay sa kadiliman kahit tayo'y nakakakita.
Huwag tayong magbulag-bulagan sa mga nagagawa nating kasalanan. Huwag nating hayaan matakpan ng mga materyal na bagay ang ating pagningin sa katotohanan. At huwag nating hintayin na maging katulad ni Bartimeo na mawalan ng paningin bago pa pag-alabin ang ating pananampalataya.
Inaanyayahan tayo ng Pagbasa na kahit tayo'y may paningin ay tawagin natin nang malakas si Hesus ngayon dahil baka hinihintay Niya rin tayo. Tawagin natin si Hesus nang malakas ang ating pananampalataya gaya ng ginawa ni Bartimeo.
Isigaw din natin na, "Hesus, Anak ni David, Mahabag po Kayo sa akin!" Kung bukal sa ating puso ang ating pagtawag, maririnig tayo ng Panginoon at pagagalingin din gaya ni Bartimeo.
Manalangin Tayo: Panginoong Hesus. Pagalingin Niyo po nawa ang aming pagkabulag sa aming mga kasalanan. Magliwanag sana ang aming paningin upang makita ang daan patungo sa paggawa ng kabutihan. AMEN.
--FRJ, GMA News