Sa impounding area sa Marikina dinala ang nawasak na kotse na nasangkot sa malagim na sakuna na dalawang sakay nito ang nasawi. Pinuntahan ito ng paranormal investigator na si Ed Caluag, at kaagad daw siyang may "mabigat" na naramdaman.

Nangyari ang sakuna noon lang nakaraang Setyembre sa Pasig, kung saan dalawang sakay ng kotse ang nasawi at dalawa pa ang nasugatan.

WATCH: Imahen ng Holy Family, itiniwarik ng 'elemento' na nanggagambala sa isang bahay?

Sumuko naman ang driver ng truck na nasangkot din sa aksidente, at nananatiling dinidinig sa korte ang kanilang kaso.

Ang nawasak na kotse, dinala sa impounding lot ng MMDA sa Tumana sa Marikina, ang lugar kung saan dinadala ang iba pang sasakyan na nasasangkot din sa aksidente.

Ayon sa mga nagbabantay sa compound, kung minsan ay hindi nila maiwasan na kilabutan kapag nakikita o napapadaan sa nawasak na sasakyan dahil tila may nagpaparamdam.

Kaya naman inimbitahan ng programang "Dapat Alam Mo," ang paranormal investigaor na si Ed Caluag, na nagtungo sa lugar upang alamin kung mayroon ngang nagpaparamdam sa sasakyan.

Habang papalapit pa lang sa kotse, bumigat na raw ang pakiramdam ni Ed, at tila nananakit ang iba't ibang bahagi ng kaniyang katawan.

At nang subukan niyang makipag-ugnayan sa kung sino man ang nagpaparamdam sa sasakyan, tila may tinig na sumagot sa tanong ni Ed.

Isa kaya ito sa dalawang nasawi sa malagim na sakuna? Panoorin ang video.
 

--FRJ, GMA News