Hindi tayo makapapasok sa makipot na pintuan kung lagi tayong magpapadala sa tukso (Lucas 13:22-30).

KAPAG nagkaroon ng yayaan ng gimikan tulad ng walwalan sa mga pagkakaibigan o kahit pa sa mga magkakatrabaho, siguradong mayroon sasama para makapaglibang.

Pero ganoon din kaya ang mangyari kung ang mag-aaya ng "gimik" ay para sa pagbabasa ng bibliya o iba pang gawain pang espirutwal o relihiyon tulad ng Life in the Spirit Seminar (LSS)?

Siguro mayroon sasama pero hindi kasing-dami ng gusto mag-walwal.

Masakit man tanggapin, ang mga gimik at iba pang gawain tungkol mga layaw sa ibabaw ng mundo ang higit na gustong gawin ng mga tao kaysa sa mga gawain sa Simbahan o iba pang magpapalakas sa ating pananampalataya sa Panginoon.

Marahil ang tingin ng iba ay "korni" o "boring" ang dumalo sa mga religious activity. Samantalang "exciting" naman para sa kanila ang mga gimikan.

Ang paglalarawang ito ay tumutugma sa mensahe ng Mabuting Balita (Lucas 13:22-30) patungkol sa "Makipot na Pintuan." Inilahad ito ni Hesus sa isang tao matapos Siyang tanungin kung kakaunti lamang ang maililigtas. (Lk. 13:23).

Ipinaliwanag ng Panginoon sa naturang tao na kailangang pagsikapan ang makapasok sa makipot na pintuan. Dahil marami ang magpupumilit na makapasok subalit sila'y mabibigo. (Lk. 13:24)

Ang makipot na pintuan na tinutukoy ni HesuKristo sa Pagbasa ay naglalarawan sa daan patungo sa Kaharian ng Diyos.

Sinabi ni Hesus na marami ang magpupumilit na makapasok ngunit sila'y mabibigo. Sapagkat napakahirap tahakin at bagtasin ang daan patungo sa kabutihan at pagbabalik-loob sa Panginoon na magdadala sa atin sa buhay na walang hanggang sa kaharian ng Diyos.

Magiging mahirap dahil napakaraming tukso sa mundo na kung mahina ang ating pananalig, malaman na madadala tayo.  Kahit ang mga nagsisikap na magbagong-buhay at magbalik-loob sa Diyos ay kailangan na todo-effort upang hindi maging marupok at malabanan ang mga tukso.

Sadyang mahirap labanan ang sarili kaya kailangan natin ng tulong ng Diyos sa pamamagitan ng matibay na pananampalataya. Isaisip at isapuso na dapat labanan ang mali at laging piliin ang tama.

Magiging mahirap na makapasok sa makipot na pintuan kung hindi buo ang ating pananampalataya sa Diyos. Lalo na kung hindi natin ito kayang panindigan sa harap ng mga pagsubok. Pero kung buo ang ating pasya na sundin ang Diyos, walang magagawa ang demonyo na siyang nasa likod ng mga tukso.

Itinuturo sa atin ng Ebanghelyo na piliin natin ang mamuhay sa kabutihan kahit gaano ito kahirap. Dahil sa dulo naman nito ay makakamit natin ang buhay na walang hanggan. Hingin natin ang gabay ng Diyos.

Manalangin Tayo: Panginoon tulungan Niyo nawa kami na makapasok sa Inyong Kaharian. Sana ay maiwasan namin ang mga tukso at mga hadlang para makamit namin ang buhay na walang hanggan. AMEN.

--FRJ, GMA News