Ang pinakabuod ng pakikipagkasundo ay pag-ibig (Lucas 12:54-59).
NAPAKASARAP mamuhay sa loob ng isang pamilya na walang away, sigawan at inggitan sa mga miyembro nito.
Maging sa isang lipunan, masaya ang pakiramdam ng mamamayan kung ang bawat isa ay nagkakaisa. Sapagkat umiiral sa kanila ang kapayapaan at pag-ibig. Iyan ay kahit magkakaiba ang kanilang paniniwala, idolohiya at relihiyon.
Ito ang magandang nagagawa ng pagkakasundo-sundo. Dahil kung nagkakasundo ang bawat tao sa ibabaw ng mundo ay wala sanang gulo, inggitan at alitan. Sana nga ay nagmamahalan ang lahat ng tao.
Ganito ang mensaheng ibinabahagi sa atin ng Mabuting Balita (Lucas 12:54-59). Tungkol ito sa pagkakasundo-sundo ng bawat tao upang ang maliit na problema ay hindi na lumalim at lumala. Inaayos ang suliranin sa pamamagitan ng pag-uusap o diplomasya.
Inilalahad ng Pagbasa ang pakikipagkasundo natin sa ating nakaalitan. Sinasabi rito na kapag tayo ay isinakdal ay sikapin natin na makipagkasundo habang may panahon pa. (Lk. 12:58)
Maliwanag na itinuturo sa atin ng Ebanghelyo na tanging pakikipagkasundo ang paraan upang ang simpleng hindi pagkakaunawaan ay maayos nang hindi ito umabot sa mas malalang sitwasyon.
Itinuturo sa atin ng Pagbasa na habang maaga ay lunasan na agad ang problema sa pamamaraan ng pakikipag-usap nang maayos at hindi sa pamamagitan ng dahas.
Kapag mayroon tayong kagalit o kaaway, kung minsan ay ang pakiramdam natin ay masyado tayong balisa, hindi tayo matahimik at nagiging mainitin pa ang ulo. Nawawala ang kapanatagan sa ating isip.
Pero kung susubukan natin makipag-ayos o makipagkasundo sa ating mga kagalit o kaaway, magiging payapa ang ating pamumuhay. Mas masarap ang buhay ng mga taong may kapayapaan sa kanilang paligid kahit hindi sagana at marangya ang kanilang pamumuhay.
Higit sa salapi ay mahalaga ang pagkakaroon ng "peace of mind."
Kaya ang mensahe ng Ebanghelyo sa atin ay sikapin natin ang makipagkasundo. Ibaba natin ang ating pride at matutunan natin ang magpakumbaba. Sapagkat kung paiiralin lamang natin ang pang-unawa, iiral din ang pag-ibig at pagpapatawad sa kapuwa.
Manalangin Tayo: Maraming salamat po Panginoon at itinuro Mo sa amin ang makipagkasundo sa aming mga kaaway. Sisikapin po namin na makipag-ayos sa mga nakagalit namin at mahalin sila gaya ng pagmamahal Mo sa amin. AMEN.
--FRJ, GMA News