Naging bangungot ang kasal ng isang bride at groom matapos silang ma-scam umano ng pinagkatiwalaan nilang wedding coordinator. Mula sa pag-ayos ng venue, sa mga pagkain at pati na sa wedding cake, tinipid. Pero dahil sa kabutihang-loob ng mga tao, napalitan naman ito ng isang dream wedding.

Sa programang "Stories of Hope," inilahad ng mag-asawang sina Jerome at Marry Ann Traballo, na nakilala nila ang kanilang wedding coordinator sa Facebook group.

Nang magkita na sila para pag-usapan ang kanilang kasal, napansin agad nina Jerome at Marry Ann, na tila walang pagpapahalaga ang wedding coordinator sa kanilang kasal.

"Sa amin, napakaimportante ng kasal namin pero para sa kaniya parang wala lang," komento ng mag-asawa.

Setyembre 28, 2019 nang ikasal sina Jerome at Marry Ann, na nauwi sa kahihiyan.

Ayon kay Marry Ann, inasahan nilang dumating ang team ng wedding coordinator ng 7 a.m. para makapaghanda, dahil 4 p.m. ang kasal. Sa halip, dumating ang team ng 11 a.m. at nagkakagulo pa.

Nakita rin niyang sa tindahan na lang kumakain ang kanilang mga bisita.

Wala rin umanong nag-asikaso ng belo ni Marry Ann, at tila kurtinang puti lang na isinabit sa kaniyang papasukan. Ang nagpag-usapang red carpet, maigsi kaya hinihila na lang ito para sa photoshoot.

"Umiyak talaga ako. Umiiyak kasi ikakasal ako. Pangalawa umiiyak ako kasi ganito 'yung nangyari sa kasal ko. Nakikita kong dismayang-dismaya 'yung mga kaibigan ko sa nangyari. Hindi man nila sabihin pero nakikita ko sa hitsura nila habang palakad ako," ani Marry Ann.

Ang malala pa, malapit na umanong mapanis ang mga dinalang pagkain ng coordinator at hindi rin nakasunod sa napag-usapan. Hinainan din ang kanilang mga bisita ng kornik, tinapay na nabibili sa tindahan, at ensaymada na malapit nang ma-expire.

Ang cake naman, wasak na bago pa dumating at nakatabingi.

Sa kabila ng kalungkutan, nakatanggap naman ng tulong ang mag-asawa sa wedding planner na si Marjorie Dizon.

Binigyan sila ng "take two" sa kanilang kasal at wala silang gagastusin.

Kaya ang basketball court na pinagganapan ng kanilang unang kasal, nag-anyong hotel ballroom sa tulong ni Dizon. At mula sa cake na wasak, cake na may limang layers na ang naging handa nina Jerome at Marry Ann.

Tunghayan sa "Stories of Hope" kung papaano na ang mala-bangungot na kasal ni Jerome at Marry Ann ay naging dream wedding sa tulong ng mga taong may mabuting kalooban. Panoorin.

--FRJ, GMA News