Inanunsyo ni dating vice president Noli de Castro ang pag-atras niya sa senatorial race sa May 2022 elections.
"Isinumite ko ang aking kandidatura sa Comelec noong Biyernes. Ngunit nagkaroon ng pagbabago ang aking plano," sabi ni De Castro sa isang pahayag nitong Miyerkules.
"Nais kong iparating sa lahat ng aking mga kaibigan at supporters na naghahanda na sanang tumulong sa akin, na nagpasiya akong hindi na ituloy ang aking kandidatura," patuloy niya.
Ayon kay De Castro na dati ring senador, napagtanto niya na mas makatutulong siya sa publiko kung magpapatuloy sa kaniyang trabaho bilang broadcast journalist.
"Gayunpaman, hindi po nagbago ang aking layunin at hangad para sa bayan. Kasabay ng pagdarasal sa Poong Nazareno, napag-isip-isip kong mas makakatulong ako sa pagbibigay ng boses sa ating mga kababayan sa pamamagitan ng pamamahayag," paliwanag niya.
Tatakbo sanang senador si De Castro sa ilalim ng Aksyon Demokratiko ni Manila Mayor Isko Moreno, na tatakbo namang pangulo ng bansa.
Nagpasalamat si De Castro sa pagtitiwala sa kaniya ni Moreno.
Sinabi naman ni Moreno, na iginagalang niya ang pasya ni De Castro.
"In truth, when my team was convincing him to run once more for the Senate, he contemplated it for a long time," anang alkalde.
"We respect his decision to forego his re-entry into national politics, and wish him well because we know that he will continue to have the best interests of our people, as the Pambansang Kabayan, in his heart," dagdag pa ng alkalde.
Sinabi naman ni Aksyon Demokratiko chairperson Ernest Ramel na mananatiling miyembro ng partido si De Castro. —FRJ, GMA News