Tulad ng maraming Pilipino, si Hesus ay labis na nagmamahal sa mga Ina (Lucas 7:11-17).
May mga sektang pang-relihiyon ang nagsasabi na ang mga Katoliko daw ay puwede ring tawaging "Mariano," bukod sa pagiging mga Kristiyano.
Sapagkat ang katuwiran nila, masyado raw panatiko ang mga Katoliko kay Birheng Maria, ang Ina ni HesuKristo.
Marahil kaya nila sinasabing panatiko ng Mahal na Birheng Maria ang mga Katoliko ay dahil likas sa ating mga Pilipino ang pagiging maka-nanay, o labis na mapagmahal sa ating mga ina.
Matutunghayan natin sa Mabuting Balita (Lucas 7:11-17) ang kuwento ng isang biyuda mula sa bayan ng Nain, na namatayan ng kaisa-isang anak.
Habang naglalakad si Hesus kasama ang kaniyang mga Alagad at napakaraming tao, nasalubong nila ang libing ng namatay na lalaki na anak ng biyuda. (Lk. 7:12)
Nang makita ni Hesus ang nagluluksang ina, nahabag Siya. Kaya winika Niya sa biyuda na huwag na itong umiyak. Nilapitan ng Panginoon at hinipo ang kabaong ng namayapang anak ng biyuda at sinabi ni Hesus, "Binata, sinasabi ko sa iyo, bumangon ka."
Noon din ay nabuhay ang lalaki at ito'y ibinigay ni Kristo sa kaniyang ina. (Lk. 7:13-15)
Sa pagkakataong iyon, maaaring nararamdaman ni Hesus ang pangungulila ng nagdadalamhating Ina para sa kaniyang anak. Sapagkat batid ni Hesus na mararamdaman din ito ng Kaniyang Inang si Maria sa sandaling usigin na Siya at harapin ang Kaniyang kamatayan sa krus.
Kaya mababasa sa Sulat ni San Juan na noong mga oras na naghihingalo na si Hesus sa krus, ibinilin Niya sa Kaniyang Disipulo na si Juan ang Kaniyang Ina.
Nang makita ni Jesus ang Kaniyang Ina at ang minamahal Niyang Alagad na nasa tabi nito, sinabi Niya, "Ginang, narito ang iyong anak." At sinabi Niya sa Alagad, "Narito ang iyong Ina." Mula noon, inaruga na ng Alagad sa kaniyang bahay ang Ina ni Hesus na si Maria. (Juan 19:26-27)
Dahil masidhi rin ang pagmamahal ng mga Pilipino sa kanilang ina, marami ang nakauunawa sa mensaheng iyon sa Ebanghelyo. Dahil madadama nila pangungulila ng isang Ina na nawalan ng Anak, katulad ng naramdaman ng ating Panginoong Hesus.
Ang ina ang kadalasan na sumbungan ng mga anak kapag may dinadamdam. Marahil ay dahil sa mas malumanay silang magsalita at handang makinig kaya madali silang makaunawa.
Para nga raw didilim ang mundo ng mga anak kapag nawala ang ina--dahil sila ang "ilaw" ng tahanan. Hindi naman puwedeng balewalain din ang kahalagahan ng mga ama. Bilang "haligi" ng tahanan, hindi rin sila dapat mawala dahil baka gumuho naman ang mundo ng mga anak.
Gayumpaman, nais na ipaunawa sa atin ng Pagbasa ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga Ina, na kung minsan ay hindi natin masyadong nabibigyan ng pagpapahalaga.
Ang malungkot, maalala lang natin ang kanilang sakripisyo kapag isa ka na rin ina o naging magulang ka na. Iyon nga lang, wala na ang iyong ina o magulang kung kailan mo pa ito napagtanto.
Kaya habang kasama pa ang ina, at maging ang ama, at iba pang mahal sa buhay, ipadama at ipakita kung gaano natin sila kamahal at kung gaano natin ipinagpapasalamat ang mga ginawa nila sa atin.
Sa Ebanghelyo, makikita na hindi iniwan ni Birhen Maria ang kaniyang Anak na si Hesus hanggang sa huling sandali. Katulad ng ating mga ina na lagi rin tayong sasamahan at gagabayan sa ating buhay.
Manalangin Tayo: Mahal na Panginoon, nagpapasalamat po kami at binigyan Mo po kami ng isang Inang mapagmahal at mapagmalasakit. Nawa'y matutunan naming suklian ang pagmamahalng aming mga Nanay. AMEN.
--FRJ, GMA News