Nagdiwang ng kaniyang ika-124 na kaarawan nitong Sabado ang kinikilalang ‘oldest living person’ sa Pilipinas na naninirahan sa Kabankalan City, Negros Occidental.
Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Miyerkules, sinabing nakatanggap ng mga regalo at cake si Lola Francisca Susano mula sa National Commission of Senior Citizen, lokal na pamahalaan, at maging sa Kabankalan-PNP.
May hakbang na ginagawa ngayon para mapatunayan na talagang isinilang si Lola Francisca noong 1897 upang kilalanin siya bilang "oldest living person" ng Guinness World Records Organization.
Ang naturang record ay hawak ngayon ng 118-anyos na Japanese na si Kane Tanaka.
KILALANIN: Ang pinakamatandang tao sa Pilipinas at ang sikreto ng mahaba niyang buhay
Sa nakaraang mga ulat, sinabing ilan sa mga sikreto ni Lola Francisca sa mahabang buhay ay pagtugtog ng harmonica tuwing umaga para ma-ehersisyo ang kaniyang baga.
Hindi rin daw masyadong kumakain ng mamantika si Lola Francisco at mahilig siya sa gulay.--FRJ, GMA News