Libre na sa bahay, makakabiyahe pa. Ito ang buhay ng isang mag-asawa na ginawa nang tirahan ang kanilang mini van.
Sa ulat ni Darlene Cay sa "Brigada," sinabing nagsimulang maglakbay ang mag-asawang Denmark at Joy noong 2018 nang ikasal sila.
Noong una, maliit na kotse lang ang kanilang sasakyan. Pero nang mabili nila ang pinapangarap na mini van noong 2019, kaagad nilang inaayos ang sasakyan para puwede na nilang tulugan.
"Kahit saan tayo pumunta, puwede nating matulugan [ang van]. At least makaka-save tayo ng accommodation, at the same time marami kaming mapupuntahan," ayon kay Denmark.
Angkop naman daw sa trabaho nina Denmark at Joy bilang multi-media production, ang kanilang lifestyle sa pagtira sa van dahil madalas silang nasa location.
Ayon kay Joy, noong una ay nag-aalala ang kanilang magulang at mga kaibigan tungkol sa kanilang kaligtasan sa mga lugar na pinupuntahan nila. Bukod doon, malaking katanungan din na papaano kung kailanganin nila ang CR.
Pero papaano nga ba? Tunghayan ang buong kuwento sa video at alamin din ang istorya ng isang single mom na pinili rin ang van life. Panoorin.
--FRJ, GMA News