Matinding lungkot ang nararamdaman ng isang inang overseas Filipino worker (OFW) matapos pumanaw ang kaniyang anak dahil sa tuklaw ng cobra sa noo. Dagdag na pasakit pa sa kaniya na hindi man lang niya makikita ang anak sa huling pagkakataon.

Noong nakaraang linggo nangyari ang trahediya sa bahay ng biktimang si Leonard Beltran, anim na taong gulang sa Asingan, Pangasinan.

Nag-iisang anak nina Michael at Lovely si Leonard.

Ayon kay Lovely, nagtatrabaho ngayon sa Hong Kong, nangibang-bansa siya para maibigay ang mga pangangailangan ng anak.

"Kaya po ako umalis para maibigay ang lahat ng pangangailangan niya," malungkot niyang sabi sa "Kapuso Mo, Jessica Soho."

"Sobrang sakit po na hindi ko po mayakap, makita man lang sa huling pagkakataon ang anak ko dahil sa pandemic na 'to," sabi pa niya.

Tanghali at magpapahinga na sana si Leonard kasama ang kaniyang ama nang may makapasok na cobra sa kanilang bahay at natuklaw sa noo ang bata.

Dahil malapit sa utak ang tuklaw, hindi na umabot nang buhay sa ospital ang biktima.

Nang bumalik si Michael sa bahay, inabutan niyang nagkakagulo ang kaniyang mga kapitbahay. Nakita kasi nila kung saan nagtago ang ahas na pinaniniwalaan nilang tumuklaw kay Leonard.

Kaya nang makuha nila ang ahas, pinaghahabalos ito ni Michael at ibinuhos ang kaniyang galit.

"Sana ako na lang natuklaw, ako na lang sana ang namatay," emosyonal na sabi ni Michael.

Papaano nga ba makakaiwas sa atake ng mga ahas at ano ang mga dapat gawin kapag nakagat ng ahas na may kamandag? Panoorin ang video ng "KMJS."

--FRJ, GMA News