Nag-viral kamakailan ang apat na batang babae sa Pandi, Bulacan dahil sa kanilang angasan sa eskinita. May nabanggit pang patay-gutom at nanghuhuli ng kalapati. Pero ano nga ba ang puno't-dulo nito? Alamin.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," nakilala ang apat na bata na sina Joela, Yanyan, Naji at Ivy. Pero kung nakita man silang nag-aaway at nag-angasan sa viral video, ngayon ay bati na sila.
Napag-alaman din na nag-ugat ang kanilang away dahil sa chichirya.
"Binigyan ko na po siya pero bigla pong inagaw niya," sabi ni Joela.
"Sabi kasi ni [Joela], siya na lang po kakain," paliwanag naman ni Yanyan.
Umaani ng magkakaibang reaksyon sa netizens ang video nang mabanggit ang salitang patay-gutom at sinabihin ni Joela si Yanyan na; "Eh ikaw nga, inuulam ang kalapati."
"Kala mo hindi masakit 'yung pinagsasabi mo sa akin? Na patay gutom ako?" aniya. "Bakit? hindi ba yun masakit?"
Sa huli, nalinawan din na hindi pala kinakain ni Yanyan ang mga hinuhuli nitong kalapati.
"Hindi po [kinakain]," anang bata. "Hinuhuli ko po ang kalapati ginagawa ko pong pet."
Pero kinakain nga ba ang kalapati? Panoorin ang video at alamin ang mga luto na puwedeng gawin sa ibon na ito na simbulo ng kapayapaan.
—FRJ, GMA News