Nagtrabaho sa ibang bansa si Sabrina Tarang upang mabigyan ng magandang buhay ang kaniyang naiwang anak sa Pilipinas. Pero sa hindi malamang dahilan, isang lalaki ang nagsaboy sa kaniya ng asido, na dahilan ng kaniyang pagkamatay.
Sa programang "Reporter's Notebook," sinabing nagsimula ang kalbaryo ni Sabrina noong nakaraang Pebrero 2021, nang bigla siyang sabuyan ng isang lalaki ng asido sa likod.
Nasa labas daw noon si Sabrina kasama ang kaniyang amo nang mangyari ang insidente.
Isugod siya sa ospital para gamutin ang nasunog niyang likod.
Ayon sa kapatid ni Sabrina na si Palma, matinding hirap ang dinanas ang kaniyang kapatid habang nasa ospital.
Tumagal sa pagamutan si Sabrina at noong nakaraang Hunyo ay nanawagan siya ng tulong upang makauwi na siya sa Pilipinas dahil lalo siyang nanghihina.
Pero noong Agosto 18, binawian na siya ng buhay.
"Naghihintay pa rin ako ng paliwanag at gusto ko rin po makita kung sigurado po bang nakakulong yung nakabuhos," ayon kay Palma.
Hindi rin daw nakikipag-ugnayan sa kanila ang agency ni Sabrina kahit ilang beses na nila itong tinawagan at pinuntahan.
May isang anak si Sabrina na dahilan para magtrabaho siya sa ibang bansa upang mabigyan ito ng maganda buhay.
Pero sa pagpanaw ni Sabrina, naglaho na rin ang kaniyang mga pangarap para sa anak.
Ayon kay Palma, umaalis at tinitiis ng mga OFW ang hirap sa ibang bansa dahil ang kanilang iniisip ay ang pamilyang naiwan sa Pilipinas.
Umaasa si Palma na mabibigyan ng katarungan ang kaniyang kapatid at maiuwi na sana sa Pilipinas ang mga labi nito. --FRJ, GMA News