Isang uri ng makamandag na ahas ang posible nga kayang maging susi para tuluyang labanan ang COVID-19?
Sa ulat ng Reuters, sinabing nagsasagawa ngayong pagsasaliksik ang mga dalubhasa sa Brazil tungkol sa kamandag ng jararacussu pit viper.
Batay daw kasi sa mga paunang pag-aaral, lumilitaw na mayroong molecule sa kamandag nito ang pumipigil sa pagdami ng coronavirus ng hanggang 75 porsiyento sa cells ng unggoy.
"It's the first step in a long journey. The process is a very long one," ayon kay Professor Rafael Guido ng University of Sao Paulo, na may akda ng pag-aaral.
"We were able to see that the peptides in the venom not only inhibited the development of the virus in vitro, inside the cell, but we were also able to see here in the lab that it was able to inhibit one of the proteins that is very important for the virus's ability to multiply," paliwanag pa niya.
Ayon kay Guido, ang peptide o chain of amino acids ay maaaring kopyahin sa laboratoryo kaya hindi na kailangang hulihin pa ang mga ahas.
Pero nangangamba si Giuseppe Puorto, namamahala sa Butantan Institute's biological collection sa Sao Paulo at nagsasagawa ng pag-aaral sa mga reptile, na baka magsimulang hanapin ng mga tao ang makamandag na ahas.
Isa umano jararacussupit viper sa mga pinakamalaking ahas sa Brazil na humahaba nang hanggang anim na talampakan.
"We are afraid that people will go hunting for the snake all over Brazil, thinking it will save the world or themselves, their family. That's not the case. Is this an important discovery? Without a doubt it is. But chasing after the animal is not how this pandemic will be resolved," sabi ni Puortp.
Sa isang pahayag mula sa State University of Sao Paulo, susuriin ng mga dalubhan ang bisa ng magkakaibang doses ng molecule at aalamin kung mapipigilan nito ang virus na pumasok sa cells.
Umaasa silang masusubukan na kaagad ang ginagawang pagsusuri sa human cells pero hindi sila nagsabi kung kailan posibleng gawin.--Reuters/FRJ, GMA News