Tinupad ng isang pamilya sa Minalin, Pampanga, ang pangarap na debut ng kanilang dalaga kahit na pumanaw na siya dahil sa karamdaman.

Sa "On Record," mapapanood ang viral video sa Tiktok ng pagdiriwang ng pamilya Batuac sa ika-18 kaarawan ng yumaong si Kyla, pampito sa walong magkakapatid at honor student.

Bago nito, rumaraket si Kyla sa pagtuturo sa kaniyang mga kaibigan para makapag-ipon sa kaniyang pinapangarap na debut party.

Hangad ni Kyla ang isang K-pop themed na debut at makapagsuot ng gown.

Pero Mayo 22 nang isugod si Kyla sa ospital dahil sa gastroenteritis. Sa kasawiang palad, pumanaw din si Kyla sa mismong araw na iyon.

"Hindi po kami makapaniwala, siyempre nanghina po, hindi nagsi-sink in sa utak namin na 'Totoo ba ito?' Parang prank lang eh, prank lang ito, sabi namin," ayon kay Catherine Garcia, kapatid ni Kyla.

Nakatakda sanang mag-debut si Kyla sa Agosto 21. Gayunman, tinupad pa rin ng kaniyang pamilya ang kaniyang hiling nang ipagdiwang nila ito habang nakaburol siya noong Mayo 23.

"[Sinasabihan] ako ng mga pinsan niyang dalaga 'Ate habang nandito sa bahay si Ky-Ky gawin na natin, [pagkalibing] wala na siya. Pumayag na po ako," sabi ni Jaena Batuac, ina ni Kyla.

Binihisan ng gown ang larawan ni Kyla, at kompleto ang debut sa 18 roses, 18 candles at 18 shots.

Tunghayan sa video ng "On Record" ang buong kuwento.

--FRJ, GMA News