Namangha ang ilang residente sa isang barangay sa San Jose, Occidental Mindoro nang makita nila ang mahabang linya ng bula sa kanilang dalampasigan na parang may naglaba.

Sa ulat ng GTV "State of the Nation" nitong Martes, ipinakita ang video na kuha ni Gio Daprosa noong Agosto 8.

Makikita sa video ang mga bula na ang iba ay iinihahampas ng alon, at may mga nakaibabaw sa buhangin.

Ayon sa mga residente, lumabas daw ang mga bula kasabay ng high tide.

Sa paunang pag-analisa ng Occidental Mindoro Environmental Management Office, posibleng may kinalaman daw ang mga bula sa pangingitlog ng mga bangus.

Maaaring indikasyon daw ito na dumadami ang semilya ng bangus sa lugar.

Gayunman, magsasagawa pa rin daw ng pag-aral ang ahensiya at susuriin ang tubig sa lugar para matukoy ang dahilan ng pagbula ng dagat.--FRJ, GMA News