Iniwan sa atin ng Diyos ang kapayapaan. Subalit laganap ang kaguluhan sa mundo (Juan 14:27)
"Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo, ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo. Hindi ito katulad ng kapayapaang ibinibigay ng mundo, huwag mabagabag ang inyong kalooban at huwag kayong matakot." (Juan 14:27).
Kapag ang isang mahal natin sa buhay ay malapit nang pumanaw, siya ay nagbibigay ng kaniyang pamana para sa mga taong maiiwan niya dito sa ibabaw ng lupa.
Kaya naman ang taong napag-iwanan ng mana ay kailangan niyang ingatan ang anumang bagay na ibinilin at ipinagkatiwala sa kaniya.
Ngunit nakakalungkot lamang minsan kung ang mana o ang bagay na inihabilin ng taong yumao ay hindi naman inaalagaan o iniingatan ng taong pinagkatiwalaan niya.
Nakalulungkot ang mga kasalukuyang pangyayari sa mundo. Mistulang nabalewala at hindi pinahalagahan ang kapayapaang iniwan ng ating Panginoon para sa mga tao.
May mga bansa na nag-aaway-away ang kanilang mga mamamayan; at may mga bansa na nakikipaglaban sa ibang bansa para sa pansariling interes.
Kahit dito sa atin sa Pilipinas, laganap ang kaguluhan at hindi ginagamit pa sa pagkakawatak-watak ang mga impluwensiya ng social media.
Ang kapayapaang tinutukoy at iniwan ni HesuKristo ay ang paghahasik ng pag-ibig sa bawat tao. Sapagkat kung may pag-ibig sa ating puso, wala sanang awayan, wala sanang giyera at nagmamahalan ang bawat isa.
Kung mangingibabaw lang ang pag-ibig at respeto ng bawat isa sa atin, matatamasa natin ang kapayapaan sa mundo. Walang masasaktan, walang magugutom.
Ngunit hindi ganito ang nangyayari sa kasalukuyan. Dahil marami sa atin ay walang pakialam sa damdamin at buhay ng ating kapwa.
Kung paiiralin lamang sana ang kapayapaang ibinigay mismo ng Panginoong Diyos sa atin, magkakaroon sana ng pagkakasundo-sundo ang mga tao. Matututunan natin ang magbigay sa halip na magdamot.
Mayroong tatlong halimbawa na humahadlang para maging mapayapa ang mundo: Ang kapalaluan ng tao na masyadong ambisyoso at hindi makuntento sa kung ano ang mayroon sila; ang kasakiman na dahilan kaya nalilimutan niya ang salitang "pagbibigay"; at ang labis na pagkamuhi na pinag-uugatan ng karahasan.
Manalangin Tayo: Panginoon, ipinapanalangin namin na nawa'y magkaroon ng kapayapaan sa mundo. Upang matigil na ang alitan, digmaan at siraan sa social media. Nawa'y umiral sa aming mga puso ang pag-ibig na alay Mo sa halip na galit. AMEN.
--FRJ, GMA News