Inaprubahan kamakailan sa House Committee on Population and Family Relations ang panukalang magkaroon ng absolute divorce sa Pilipinas, at nakatakda na itong pagdebatihan sa plenaryo sa Kamara de Representantes. Pero dapat nga bang magkaroon ng diborsyo sa bansa?
Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, sinabing ipinunto ng mga nagsusulong ng panukala na ang Pilipinas na lamang ang hindi pumapayag sa absolute divorce bukod sa Vatican City.
Ayon sa netizen na si Evangeline Delgado, pabor siyang magkaroon ng diborsyo lalo kung hindi na "worth it" ang pagsasama at hindi na dapat ipilit.
Bukod dito, mas mabuting magdiborsyo na lamang ang mag-asawa kaysa makita ng mga anak ang kanilang pagtatalo, at pag-usapan na lamang nila ang sustento.
Pabor din Zarena Sangalang para makalaya na ang mga nakararanas ng pang-aabuso mula sa mga asawa.
Tutol naman sa diborsyo si Alison Van, dahil sagrado ang kasal at maaaring dumami ang mga broken family.
Dagdag pa niya, wala ring perpektong mag-asawa kaya alamin na lang ang problema at alamin ang dapat gawin para sa ikabubuti ng pamilya.
Tutol din si Cheng Bagayan, lalo kung maaari namang ayusin at pag-usapan na lamang ang problema ng mag-asawa.
Sinabi naman ni Tintin Pineda na mas mainam na magkaroon na lang ng batas na magpaparusa sa mga kabit. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News