Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na "premeditated" o pinaghandaan ang pamamaril at pagpatay sa isang babaeng dating mamamahayag sa Quezon City.
"Upon initial investigation, this is premeditated. But as to the motive, we are currently conducting investigation," sabi ni Police Lieutenant Colonel Tyrone Valenzona, Station Commander ng La Loma Police Station sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles.
Binaril at napatay ng mga salarin ang biktimang si Gwen Salamida sa loob ng kaniyang salon sa Barangay Apolonio Samson nitong Martes ng hapon.
"The gunman suddenly entered the about to open salon, and the gunman suddenly shot the victim. 'Yung babae, she is the owner, she sustained several gunshot wounds that caused her instantaneous death," sabi ni Valenzona.
Sugatan din ang isang kasamang lalaki ni Salamida na isinugod sa ospital.
Tumakas naman ang mga salarin sakay ng motorsiklo.
Base po sa nakalap na impormasyon ni Kagawad Alexander Samson, may mga nakaabang na raw talaga na mga suspek sa lugar.
"Dalawang sasakyan daw po 'yung nakaabang na motor," dagdag ni Samson.
Tumanggi ang mga kaanak ni Salamida na magbigay ng pahayag sa media.
Napag-alaman na dating editor ng Remate si Salamida, at nagtrabaho rin sa isa pang tabloid.
Naunang iniulat na tinangkang holdapin ng salarin ang biktima na nauwi sa pamamaril. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News