Sa "Sumbungan Ng Bayan," dumulog ang isang netizen para humingi ng payo tungkol sa kanilang local government unit (LGU) na naniningil umano ng bayad para sa quarantine pass. Dapat bang may bayad ang quarantine pass?

Paliwanag ni Atty. Carmela Dieta, ang ating LGUs ay binigyan ng sapat na pondo o quick response fund para sa pagtugon sa COVID-19.

"Dapat po ang issuance ng quarantine passes ay wala pong bayad. 'Yung LGUs po na nagpapabayad ng quarantine pass nila ay puwede po nilang ireklamo... ng administrative charges for dishonesty and abuse of authority," ani Atty. Dieta.

Ayon pa kay Atty. Dieta, maaari nilang isampa ang administrative charges sa Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) o sa sangguniang panlalawigan o panglungsod.

Maaari ring ireklamo ang isang opisyal ng illegal exaction o fraud sa ilalim ng Revised Penal Code, na nananamantala ng kaniyang posisyon o katungkulan tulad ng pangongolekta ng bayad na hindi dapat.

Tunghayan sa video ang buong talakayan.-- FRJ, GMA News