Isang babaeng empleyado ng isang reptile center sa Utah ang nalubhang nasugatan nang atakihin siya ng inaalagaang buwaya habang may idinadaos na children's birthday party.

Sa viral video sa nangyaring insidente, makikita ang babaeng crocodile trainer ng Scales and Tails Utah sa Salt Lake City, na binuksan ang glass cage na kinaroroonan ng buwaya na walong talampakang laki.

Ilang bata ang nanonood nang biglang sunggaban ng buwaya ang kaniyang kamay at hinatak siya sa loob ng hawla na may mababaw na tubig.

Magpa-ikot-ikot pa ang buwaya na tinatawag na  "death roll."

Mabuti na lang at nagawa ng babae na masabayan ang pag-ikot ng buwaya para hindi maputol ang kaniyang kamay.

Ilang bisita naman ang tumulong sa babae at inilayo na sa panood ang mga bata.

Itinuro ng babae sa sumaklolo na isang lalaking bisita sa party na upuan ang likod ng buwaya para hindi makagalaw at makaikot muli.

Pagkaraan ng ilang minuto, nakawala na ang babae sa pagkakakagat. Ligtas din nakaalis ng hawla ang lalaking sumaklolo sa kaniya.

Sa Facebook post ng Scales and Tails Utah, pinasalamatan nila ang mga tumulong sa kanilang tauhan.

"We want to send a huge shoutout to Donnie Wiseman and Todd & Amy Christopher! We want to thank them for their heroism. Working with some of these animals has inherent risks that we as the staff accept," ayon sa pahayag.


Sa hiwalay na post, inihayag ng babaeng empleyado na maayos na ang kaniyang kalagayan at nagpasalamat din siya sa mga tumulong at nag-alala sa kaniya.

"I’m being treated aggressively with antibiotics, which I’m thankful the Infectious Disease staff here were prepared to do. Lastly, I’ve had the most wonderful nursing staff that have made me feel safe and comfortable since I got here," anang staff na hindi binanggit ang pangalan.

"I definitely want to thank everyone that has reached out and for doing so, as well; it’s made recovery feel so much more manageable! Thank you!," patuloy niya. --FRJ, GMA News