Walang sakit ang makahahadlang sa tunay na pag-ibig matapos na ayain ng kasal ng kaniyang nobyo ang isang babae na nagising mula sa pagkaka-comatose dulot ng lupus at iba pang sakit.

Sa "Brigada," sinabing taong 2016 nang dapuan ng lupus si Viktoria Cupay, na nasa Amerika.

Ayon kay Greta Cupay, ina ni Viktoria, isinugod niya ang kaniyang anak sa pagamutan dahil nakararanas ito ng chest at joint pains at rashes.

Nakayanan pa ni Viktoria ang lahat ng sakit na kaniyang nararamdaman noong una, pero tatlong taon matapos magka-lupus, tinamaan na rin siya ng Stevens-Johnson Syndrome at toxic epidermal necrolysis, o nakamamatay na sakit sa balat.

"Lahat ng balat sa mukha niya is natanggal. Sa kamay, sa paa, sa likod, sa dibdib, sa mga braso niya. Hindi nila ma-pinpoint kung ano talaga. Pero malamang 'yung gamot na binigay isang factor din 'yung antibiotic or dahil din 'yung lupus niya," kuwento ni Greta.

Makalipas ang isang buwan, tuluyan nang na-comatose ang dalaga. Sinabihan si Greta ng doktor na maaaring hindi kayanin ni Viktoria ang kaniyang mga sakit.

Sa kabila ng kondisyon ni Viktoria, inalagaan siya ng kaniyang nobyong si Nicholas William Baldo o Nic.

"Usually I would just tell her how everything's gonna be okay, and that we love her. I would tell her what's going on with her health that day. If there was good news I would always share that," sabi ni Nic.

Matapos ang isang buwan na pagka-comatose ni Viktoria, tila dininig ng Diyos ang dasal nina Nanay Greta at Nic nang magpakita ng paggalaw ang dalaga.

"I was in shock. Hindi nag-sink in agad 'yung nangyari sa akin and the extent of my injuries. I didn't know that it was very serious. I didn't know na they had to revive me so many times. Close calls to death. Shocking talaga," sabi ni Viktoria.

"Yes, I would consider it a miracle," dagdag pa ng lupus survivor.

Kaya naman hindi na sinayang pa ni Nic ang pagkakataon para ihayag ang kaniyang pagmamahal sa kaniyang nobya.

"I want you to know that I'll be here for you forever, and as long as we both live I would be there for you. So having this ring here with me, I would like to give it to you today. Viktoria Angela Cupay, will you marry me?" matamis na alok na kasal ni Nic kay Viktoria.

"I was honored because when I was at my worst Nic chose to see the best in me," sabi ni Viktoria.

Dahil sa pagkakalagas ng kaniyang buhok dulot ng mga treatment, kinalbo muna si Viktoria. Pero makalipas ang pitong buwan, nakauwi na si Victoria.

Bagama't gumaling na mula sa Stevens-Johnson Syndrome, patuloy pa rin si Viktoria sa paglaban sa lupus.--FRJ, GMA News