Sa pagsakop ng oposisyong grupo na Taliban ang Afghanistan, 32 manggagawang Filipino ang inilikas at madaragdagan pa ng 19, ayon sa Department of Foreign Affairs.
Ayon sa DFA, inaasikaso na rin ang repatriation ng mga natitira pang Pinoy sa Kapitolyo na Kabul.
"At this point, less than 130 Filipinos in Afghanistan," sabi ni Foreign Affairs Assistant Secretary Ed Meñez.
Nasakop ng Taliban ang Kabul at muli nilang nakontrol ang Afghanistan pagkaraan na maagaw sa kanila ang kapangyarihan noong 2001 sa tulong ng puwersa ng Amerika.
Kasama noon ng US at puwersa ng United Kingdom sa pagsalakay sa Taliban forces sa Afghanistan matapos ang madugong September 11, 2001 terrorist attacks sa World Trade Center sa New York at The Pentagon sa labas ng Washington DC, na isinagawa ng teroristang al-Qaeda.
Isinagawa umano ng mga terorista ang pagpaplano at pagsasanay mula sa Afghanistan.
Nang magpasya ang US na alisin na ang puwersa nila sa Afghanistan, mabilis na sinalakay ng Taliban fighters ang mga pangunahing lungsod hanggang sa tuluyan nilang maagaw ang kapitolyo.
Ayon sa DFA, nakikipag-ugnayan sila sa mga "international partners" para sa mabilis at ligtas na paglikas sa mga Pinoy nandoon.
"Last night, 32 Filipinos were evacuated and are now in Doha awaiting their confirmed flights to the Philippines," sabi ng DFA sa pahayag. "A group of 19 Filipinos are also set to leave immediately."
Itinaas ng Pilipinas sa Alert Level 4 ang sitwasyon sa Afghanistan na ang ibig sabihin ay kailangan ang mandatory evacuation sa mga Pinoy doon dahil na rin sa kawalan ng kasiguraduhan sa seguridad nila sa nabanggit na bansa.
"The Department maintains its call for all Filipinos in Afghanistan to join the repatriation effort," anang DFA.
Sa mga Pinoy na kailangan ng tulong doon, maaaring makipag-ugnayan sa Philippine Embassy sa Pakistan o sa OFWHelp sa mga sumusunod:
Whatsapp/Viber: +923335244762
Messenger/Facebook: facebook.com/atnofficers.islamabadpe or facebook.com/OFWHelpPH
EMAIL: isbpeatn@gmail.com.
— FRJ, GMA News