Timbog sa Cainta, Rizal ang isang lalaking suspek sa apat na magkakasunod na insidente ng pagnanakaw nitong linggo. Ang suspek, napag-alamang siya rin ang suspek sa pamamaril sa kaniyang kaibigan noong Agosto.

Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Martes, mapanonood ang pagtuturo ng apat na biktima sa lalaking suspek na nang-holdap at nagtangkang magnakaw ng kanilang motorsiklo sa presinto sa Cainta.

Isinalaysay ng pulisya na sa loob lamang ng isang oras, nakapambiktima ang suspek na si alyas "Angel" nang apat na beses sa Barangay San Andres at Barangay San Juan nitong linggo.

Unang nai-report sa pulisya ang pang-holdap sa isang babae, na tinutukan ng baril at kinuhaan ng bag na may lamang pera at cellphone ng suspek.

Nadakip ang suspek sa isinagawang follow-up operation ng pulisya.

Ilang sandali matapos siyang maaresto, naglutangan na ang tatlong lalaki na naagawan ng suspek ng motor.

Nagkasugat at galos sa iba't ibang bahagi ng katawan ang tatlong lalaking biktima nang pumalag sa suspek sa pagnanakaw sa kanilang motor.

Samantala, natuklasan ng pulisya na ang suspek ay siya ring suspek sa pamamaril noong Agosto sa mismong lugar kung saan siya nakatira.

"Meron siyang binaril na isang kaibigan niya na nagkaroon sila ng pagtatalo at doon 'yung binaril niya ay nasugatan. Noong pagkabaril ni alyas Angel sa kaniyang kaibigan, siya ay nagtago sa probinsya, nagpalamig. At saka ulit bumalik dito sa bayan ng Cainta," sabi ni Police Lieutenant Colonel Joseph Macatangay, Chief of Police ng Cainta Municipal Police Station.

"No comment" ang tugon ng suspek nang tanungin tungkol sa pang-hold up at pagnanakaw ng motor, ngunit inamin ang pamamaril sa kaniyang kaibigan.

"Dahil lang po sa matinding pagseselos," sabi ng suspek.

Batay sa records ng pulisya, dati nang nakulong ang suspek dahil sa mga kaso ng pagnanakaw, carnapping at ilegal na droga sa Cainta, Pasig at Batangas.

Nakadetene na sa Cainta Municipal Police Station Custodial Facility ang suspek na mahaharap sa mga reklamong grave threat with the use of firearm, physical injuries and robbery with intimidation. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News