Inilahad ni John Arcilla ang ilan sa mga Kapuso star na kaniyang hinahangaan dahil sa kanilang angking husay sa pag-arte.

Sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Martes, tinanong ni Tito Boy si John tungkol sa tatlong babae at tatlong lalaking artistang kaniyang iniidolo sa larangan ng showbiz.

"Actually, manghihinayang akong sabihin na tatlo lang, kasi ang dami-dami. Ang daming ang gagaling ngayon, Tito Boy," panimula ni John.

Isa sa mga binanggit ni John si Glaiza de Castro.

"Sa artistang lalaki, well, alam mo kasi, naka-eksena ko rin, bata pa lang siya naapektuhan na ako ni Dennis Trillo," dagdag ni John.

"Noong gumawa siya ng pelikula kasama niya si Judy Ann Santos, hindi naman na siya bago. Napansin ko talaga, very subdued at saka underacting pero powerful," ayon pa sa The Volpi Cup Best Actor.

"So napansin ko siya noong umpisa pa lang. Tapos ngayon makikita mo kaniya ganoon din."
Inihayag din ni John ang paghanga kay "Lolong" star Ruru Madrid.

"Well of course, si Ruru Madrid kasi is very committed, sobrang committed doon sa kaniyang craft. That's one of the reasons kaya gumagaling ng isang artista, commitment," sabi niya.

Ilan pa sa mga artistang hinahangaan ni John sina Janine Gutierrez, Andi Eigenmann, Andrea Brillantes at Kyle Echarri.

"Actually ang dami. Pero for the meantime, 'yun muna ang pumasok sa akin," sabi ni John.

Sa Fast Talk segment, sinabi ni John na mas mahalaga sa kaniya ang talent kaysa attitude, pagiging masipag kaysa magaling, at charisma kaysa looks, ngunit pareho niyang gustong maging bida at kontrabida.

"Not guilty" siyang naagawan ng role, natalakan ng kapwa artista at nag-walk out sa set, ngunit "guilty" siya na nangangarap ng isang Oscar award. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News