Kinagigiliwan sa kanilang lugar ang isang dalawang taong gulang na bata sa San Jose, Occidental Mindoro, dahil sa “hebigat” niyang timbang na higit 40 kilos o singbigat ng isang sako ng semento. Sa kabila ng nakatutuwa niyang hitsura, ano nga ba ang kaniyang kondisyon, at nakasasama ba ito sa kaniyang kalusugan?
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ipinakilala ang batang si Alas, na namimintog ang mukha, siksik ang mga binti, at tila kumpul-kumpol ang mga braso.
“‘Pag narinig niya na inurong ko na 'yung upuan, sasabihin niya na, ‘Mama, a-a, a-a.’ Sabi ko naman, ‘Opo, sige kakain na tayo.’ Pupunta na 'yun, hindi na 'yung papayag na hindi siya uupo sa la mesa,” sabi ng ina ni Alas na si Roshelle Reyes.
Paborito ni Alas ang fried chicken.
“‘Pag naubos 'yung binigay mo sa kaniyang una na kanin, hihingi pa ulit siya. Hindi siya namimili ng pagkain,” sabi pa ni Reyes.
“‘Pag dumating po ako na pagod ako sa pamamasada, pagka sinalubong niya po ko talagang mawala 'yung pagod ko. Halimbawa sasabihin niya ‘Pa!’ ‘Pag sumagot ako ang sasabihin niya sa akin, ‘Hotdog!’ Sasabihin niya na gano'n. Matatawa ka na lang din sa kaniya. ” kuwento naman ni John Francis Griego Jr., ama ni Alas.
Malambing din na anak si Alas.
“‘Pag gusto niya magpakarga sa akin, 'yun po, kinakarga ko siya. Kaya lang, hindi po talaga ganoong katagal ang kaya kong itagal sa kaniya sa pagbuhat,” sabi ni Griego.
“Mabigat po talaga siya. Makaramdam ka ng hingal,” dagdag ni Griego.
Ayon naman kay Reyes, hindi naman pumipirmi si Alas at galaw pa nga nang galaw. Sa kabila nito, mabilis ding mapagod si Alas dahil sa kaniyang bigat.
“Hinihingal siya. Ito 'yung timba na inuupuan talaga ito ni Alas. Kasi ilang upuan na 'yung nagamit ni Alas, nasisira,” sabi ni Reyes.
Bukod dito, hindi rin magkasya sa kaniya ang mga pinakamalaking diaper na mga pangsanggol, kaya adult diaper na ang kaniyang ginagamit.
Lagi ring nakatutok kay Alas ang electric fan.
“Mawala lang ng minuto, naliligo na siya sa pawis. Matatakot ka sa gabi kasi malakas 'yan humilik. Kapag ka nagising siya ng mga bandang ala una, alas dos, iiyak 'yun ang iiyak,” sabi ni Reyes.
Na-cesarean si Reyes nang ipanganak si Alas na 5.2 kilos.
Tumagal pa ang mga taon, lalo pang lumobo si Alas.
“Niloloko siya na ‘Itong baboy damo na ito.’ Tapos tatawa siya nang tatawa. Siyempre nasasaktan din kasi anak mo 'yan eh. Sasabihan nila ng gano’n,” sabi ni Reyes.
Dahil sa kondisyon ng kanilang anak, hindi maiwasan nina Reyes at Griego na mabahala.
Tila pareho ang kondisyon ni Alas sa kaniyang amang si Griego na tumimbang ng 14 pounds noong isilang. Ngunit ayon kay Griego, kusa na lamang siyang pumayat.
“Upon assessment po, lumabas na po siya ay obese. Ibig sabihin, masyado pong mataas 'yung kaniyang timbang with reference po sa kaniyang height,” sabi ng nutritionist na si Cynthia Talucod.
Batay sa World Health Organization o WHO, 12.5 kilos lang ang normal na timbang ng nasa dalawang taong gulang. Ngunit ang kay Alas, mahigit triple ang timbang.
“As parents, kailangan po talaga natin maging aware. Kailangan maging tama ang timbang at height ng mga bata. Ang mga obese ay mas prone sa diabetes, hypertension, sakit sa puso,” paalala ni Talucod.
Ayon naman sa pananaliksik ng Food and Nutrition Research Institute noong 2019, isa sa bawat 10 batang edad lima hanggang 10 ay overweight.