Natagpuang duguan at wala nang buhay ang tatlong katao, kabilang ang isang senior citizen, nang pagpupukpukin ng bakal na tubo ng isang lalaki sa Calamba, Laguna.
Sa ulat ni CJ Torida ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabing lumabas sa imbestigasyon na nag-iinuman ang mga biktima bago naganap ang pamamalo sa isang compound.
Tumatayo sa kasalukuyan bilang testigo sa krimen ang live-in partner ng suspek na kasama ng mga biktima.
Batay sa kaniyang salaysay sa pulisya, natutulog ang mga biktima nang pagpupukpukin sila ng bakal ng kaniyang ka-live in.
Timbog ang lalaking suspek sa isinagawang follow-up operation. Sinabi ng suspek na nagawa niya ang krimen dahil umano sa selos at pagtataksil.
Nahaharap ang suspek sa reklamong multiple murder.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News