Pinangalanan nina Rochelle Pangilinan at Arthur Solinap ang mga artistang kanilang nakatrabaho at pinagselosan nila sa isa't isa. Ang isa sa mga pinagselosan ni Rochelle, si Paulene Luna.
Sa nakaraang episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Martes, tinanong ni Tito Boy sina Rochelle at Arthur kung sino sa kanila ang mas seloso o selosa.
"Pareho eh. May stages lang noong una," sagot ni Arthur. "Noong una, siya, grabe eh," paglalarawan pa niya.
Dahil dito, napangiti na lamang si Rochelle na tila nahihiya.
“Tapos na naman eh,” paglilinaw ni Arthur sa kaniyang misis, bago muling nagdetalye.
“Basta ‘pag may show ako, kung sino ‘yung cast na babae, automatic pagseselosan. Usually. Lalo na ‘pag sexy, maganda," kuwento ni Arthur.
"So ako kapag nasa taping, ilang na ilang akong makita sa picture na kaming dalawa lang," sabi pa ng actor at dancer.
"Eh paano, lagi kayong magkatabi!" biro ni Rochelle.
Kalaunan, binanggit ni Rochelle si Pauleen Luna na kaniya noong pinagselosan.
"Kasi may kissing scene... Kissing scene lang," paglalahad ni Arthur.
Ayon kay Rochelle, "galit na galit" siya noon dahil dito.
“Ako, hindi puwede. Ikaw, puwede?” natatawang sabi ng dating Sexbomb dancer. "Eh kasi sa kaniya laging may issue kapag may katabi ka lang. Ito, magki-kissing scene kayo?"
“Mali ko kasi hindi ko sinasabi na may kissing scene,” pag-amin naman ni Arthur.
Bukod dito, pinagselosan din ni Rochelle si Janna Dominguez, na co-star ni Arthur sa “Pepito Manaloto.”
“Kasama sa show tapos maganda, sexy, automatic [magseselos],” sabi ni Arthur.
“Eh kasi ang sexy sexy ni Janna... Tsaka maputi,” natatawa namang hirit ni Rochelle. "Kasi laging katabi sa picture, tapos laging kasama sa eksena, tapos laging niloloko pa sa set."
Samantala, inamin naman ni Arthur na pinagselosan niya ang ilan sa mga dance partner at love team ni Rochelle sa “Daisy Siete,” kabilang na si Victor Aliwalas.
“Love team siya. Siya ‘yung next ko. After ko, siya eh naging partner mo, so parang nagselos ako konti,” sabi ni Arthur.
Samantala, natanong ang couple kung ano posibleng maging dahilan kung bakit sila aalis sa kanilang relasyon.
“Kapag hindi na niya ako mahal," tugon ni Rochelle.
“Hindi ko masasabi kasi para sa ‘kin, nung nag-join kami together sa marriage, parang ‘yun na ‘yon eh. Kung ano man ‘yung pagsubok, dapat hindi,” sagot naman ni Arthur.
Ikinasal sina Rochelle at Arthur noong 2017. May isa silang anak, si Shiloh, na isinilang noong 2019.
Kasalukuyang nasa Primetime series na "Pulang Araw" si Rochelle, habang napanonood naman si Arthur sa “Widows’ War" at "Pepito Manaloto." -- FRJ, GMA Integrated News