Inilahad ni Thea Tolentino na paglago sa kanilang mga sarili ang dahilan ng hiwalayan nila noon ni Mikoy Morales.
Sa nakaraang episode ng "Lutong Bahay," tinanong ng host na si Mikee Quintos si Thea tungkol sa tunay na rason ng breakup nila ni Mikoy.
"Nag-break kami because na-feel ko na I can grow more as a person, but not together," tugon ni Thea.
Ayon kay Thea, pareho silang nakipag-break ni Mikoy, ngunit siya ang nagpahiwatig.
"Parang mutual eh. Ako 'yung nag-initiate," sabi niya.
Para sa Sparkle actress, naabot na nila ni Mikoy ang growth o pagpapalago sa sarili sa kanilang relasyon.
"Para sa akin okay siya," tugon ni Thea sa kung "okay" na breakup o "bad" ang breakup nila ni Mikoy.
Ngayon, "okay" pa rin sila ni Mikoy bilang magkaibigan, ayon kay Thea.
Unang naghiwalay sina Thea at Mikoy noong 2017, ngunit nagkabalikan noong 2019.
Gayunman, muli silang naghiwalay noong 2020, ayon sa ulat ng pep.ph.
Para naman kay Mikoy, hindi na niya mabilang kung ilang beses naging on and off ang romantic relationship nila ni Thea.
Ayon kay Mikoy, maaaring naabot na nila ni Thea ang hangganan sa kanilang relasyon.
"Siguro na reach na rin namin yung limits... hindi limits pero parang we've done our part in each others lives and were ok [with] that," paliwanag niya. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News