Bumida sa naglalakihang LED display sa Times Square sa New York ang iba't ibang tourist destination sa Pilipinas na nagpapakita ng ganda ng bansa.

Ang pagtampok sa tinaguriang billboard of the world ng Amerika ay bahagi ng Love the Philippines campaign ng Department of Tourism (DOT) para isulong ang bansa bilang isang world class destination.

Umaasa ang DOT na ang mga turista sa New York na makakakita ng ganda ng Pilipinas ay mahihikayat na bumisita rin sa bansa.

Ang 15 na segundong video ay masisilayan sa Broadway between 44th Street and 45th Street sa Times Square hanggang Bagong Taon kung saan inaasahan na dadagsa ang mga turista.

Bukod sa video campaign sa naglakakihang LED display, makikita rin ang Love the Philippines banner sa mga taxi sa New York City.

Ginastusan ng mahigit P2 milyon ng DOT ang tourism video campaign.

Ayon kay New York Tourism Attache Francisco Lardizabal, magandang pagkakataon ito para i-promote ang ganda ng Pilipinas sa Times Square dahil sa pagdagsa ng milyon-milyong turista sa New York ngayong holiday season. —LDF, GMA Integrated News