Iimbestigahan ng Department of Justice (DOJ) ang mga binitiwang pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa isang news conference nitong Lunes ng gabi na nanawagan siya sa militar na lutasin ang tinawag niyang "fractured governance" sa ilalim ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr., na muli niyang inakusahang gumagamit ng ilegal na droga.

Ayon kay Justice Undersecretary Jesse Hermogenes Andres, ang mga pahayag ni Duterte ay maaaring ituring na sedisyon, at dapat na suriin sa konteksto ng mga naging pahayag din ng kaniyang anak na si Bise Presidente Sara Duterte.

"For him to invite the military to have a part in seeking remedy is bordering on sedition and is legally actionable," sabi ni Andres sa mga mamamahayag.

"'Yung pong mga pananalita ng dating Pangunong Duterte ay iimbestigahan din natin kasabay ng ibang mga nangyayari ngayong mga panahon," dagdag niya.

“We will have to look at every angle. The threat issued by the VP is something that should also be factored in, whether this is really part and parcel of a bigger plan for destabilization,” sabi pa ni Andres.

Tiniyak naman ni Andres na nakahanda ang pamahalaan sa anumang mangyayari.

"And the Armed Forces of the Philippines is a professional organization that is loyal to the chain of command," ayon kay Andres.

'Fractured governance'

Nitong Lunes, sinabi ni Duterte na tanging ang militar lang ang maaaring "magtama" sa tinawag niyang "fractured governance" sa ilalim ni Marcos na isa umanong "drug addict."

Tinukoy din ni Duterte si Speaker Martin Romualdez, na pinsan ni Marcos.

“Nobody can correct Marcos, nobody can correct Romualdez… It is only the military who can correct it,” giit ni Duterte sa press conference na inilabas sa social media.

Tinanong ni Duterte kung hanggang kailangan susuportahan ng militar ang isang pangulong “drug addict.”

Makasarili, garapal

Tinawag ng Palasyo na makasarili ang panawagan ni Duterte na alisin sa puwesto si Marcos dahil ang makikinabang ay ang anak niyang si VP Sara.

Sa ilalim ng batas, ang bise presidente ang hahalili kapag hindi na kayang gampanan ng pangulo ang tungkulin nito na pamunuan ang bansa.

'No motive is more selfish than calling for a sitting president to be overthrown so that your daughter can take over,'' ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin.

"Duterte is willing to go to great and evil lengths, such as insulting our professional armed forces by asking them to betray their oath, for his plan to succeed," dagdag ng opisyal.

Pinayuhan ni Bersamin ang nakatatandang Duterte na igalang ang Saligang Batas at tigilan na ang pagiging iresponsable.

''Nakakagulat ang garapalang panawagan ni dating Pangulong Duterte sa ating sandatahang lakas na maglunsad ng kudeta laban kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.,'' giit niya.

Hindi sedisyon

Iginiit naman ni dating Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na walang krimen sa mga sinabi ni Duterte, at hindi maituturing na sedisyon.

“Former President Duterte only reminded the military of its constitutional duty to  protect the people from the internal and external attack, and from those who violate the basic charter and other laws of the land," saad ni Panelo sa GMA News Online.

Paliwanag pa ni Panelo, wala namang sinabi ni Duterte patungkol sa paggamit ng puwersa o panggigipit o ilegal na paraan para mabigyan ng katwiran ang nakasaad sa Article 139 ng Revised Penal Code tungkol sa sedisyon.

"His reminder to the military of its duty under the Constitution to protect the people is part of the freedom of speech,” giit ni Panelo.

Binatikos naman ng ilang kongresista ang pahayag ni Duterte laban kay Marcos. Para kay 1-Rider party list Rep. Rodge Gutierrez, isang abogado, maituturing inciting to sedition ang mga pahayag ng dating pangulo dahil sa panawagan nito sa militar na kumilos laban sa gobyernong Marcos.

“But at this point, I'm not sure if it should even be dignified with a serious consideration because this is just a smokescreen to the issues confronting the Vice President," paliwanag niya.

"Also, I have full trust and confidence in our Armed Forces that they will stay true to their oath to protect and uphold the Constitution,” dagdag ng kongresista.

Iniimbestigahan ng House Committee on Good Government and Public Accountability, si VP Duterte kaugnay sa paggamit nito confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education na dati niyang pinamumunuan.

Inihayag naman ni Ako Bicol party-list Rep. Raul Bongalon na nais lang maghasik ng gulo ng dating pangulo.

“That is an inappropriate statement because that is not a call for peace and unity. You want chaos to reign in our country,” ani Bongalon. —FRJ, GMA Integrated News