Timbog ang isang dayuhan na inireklamo dahil sa pag-aamok at kasamang Pinay matapos mahuling gumagamit umano ng ilegal na droga sa Tejeros, Makati City.
Sa ulat ni Bea Pinlac sa Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabing nahinto ang inuman ng 47-anyos na dayuhan at ng dalawang Pinoy matapos pasukin ng kapulisan ang kanilang bahay Martes ng gabi.
Sinabi ng mga awtoridad na may nagsumbong sa kanila na nag-aamok umano ang dayuhang suspek.
Natuklasan din nilang gumagamit din umano ng ilegal na droga ang mga suspek.
"Talagang gumamit sila at nagsindi sila ng ilegal na droga roon sa bandang pintuan ng gate nila habang nag-iinom sila. Nagpa-party-party sila. Nakatakas po 'yung isa kaya dalawa lang po silang nahuli," sabi ni Police Major Judge Donato, Chief Station Intelligence Section, Makati City Police.
Nakumpiska ng mga awtoridad mula sa mga suspek ang isang sachet ng hinihinalang shabu, dalawang pakete ng high-grade marijuana, at mga drug paraphernalia. Patuloy na inaalam ang halaga ng mga ito.
Hindi pa rin matukoy ang relasyon ng mga suspek sa isa't isa.
"Ang unang claim po nila, ang karelasyon niya po is 'yung foreigner. Ngayon ang kini-claim naman po niya, ang karelasyon niya ay nakatakas," sabi ni Donato.
Isang 19-anyos na estudyante ang isa sa mga nahuli, na umaming gumagamit ng high-grade marijuana.
"Sa akin po talaga 'yun, hindi ko na po itatanggi. Kasi po nakita po 'yun sa kuwarto ko eh. Kasi meron po kasi akong goiter eh, tapos nasubukan ko po, natukso po ako ng mga tropa ko po," sabi ng suspek.
Ayon sa kaniya, may isa pang kasabwat umano ang dayuhang suspek.
"Meron pa po siyang isa pang kaibigan, iyon po ang nagsusustento ng bisyo niya. Fifteen years daw po [siyang nakulong sa US] dahil din daw po sa drugs," sabi pa ng suspek.
Natuklasan ng pulisya na dati nang nabilanggo sa Amerika ang dayuhang suspek kaya makikipag-ugnayan sila sa Bureau of Immigration.
"I am invoking my right to remain silent right now. So I'm finished. I am not answering any questions," sabi ng dayuhang suspek.
Nahaharap sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang mga nadakip na suspek, samantalang patuloy na tinutugis ang isa pang nakatakas.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News