Nasawi ang isang 19-anyos na motorcycle rider matapos siyang masagi ng isang pickup truck at tumama ang ulo semento sa Dumaguete City.

Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Miyerkoles, mapanonood sa CCTV camera na tinatahak ng dalawang sasakyan ang parehong lane sa diversion road sa Barangay Camanjac.

Ilang saglit lang, biglang lumiko pakanan ang pickup truck at nasagi niya ang motorsiklong minamaneho ng biktima.

Idineklarang dead on arrival sa ospital ang biktima dahil sa matinding sugat sa ulo na tinamo sa pagkakahampas sa bangketa.

Sumuko sa pulisya ang driver ng pickup, ngunit pansamantalang nakalaya matapos pangakuan ang pamilya ng biktima na sasagutin niya ang gastusin sa namatay.

Hindi naman nagbigay ng pahayag ang pamilya ng biktima.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News