Bago naging sikat na artista, nagtrabaho rin bilang OFW si Pokwang. At sa pagiging isang single mom na OFW noon, may malungkot siyang karanasan nang hindi siya payagan ng kaniyang agency na makauwi ng Pilipinas nang pumanaw ang kaniyang anak.
Sa “Tunay na Buhay,” sinabi ni Pokwang na habang nasa Abu Dhabi siya, sumailalim sa operasyon ang kaniyang anak na mayroong brain tumor.
Pero sa kasamaang-palad, pumanaw ang kaniyang anak dahil hindi kinaya ang operasyon.
“Sabi ko, Lord, kung talagang hanggang doon na lang, kaysa nahihirapan siya. Sabi ko, sa murang edad niya, sa napakabata niyang katawan, salamat pinahiram Niyo siya sa’kin,” kuwento ng aktres na hindi napigilan na maluha.
Hindi kaagad nakauwi si Pokwang nang pumanaw ang anak dahil hindi siya pinayagan ng agency dahil may kontrata siya na kailangang sundin.
"Ayaw akong payagan ng management na umuwi kasi yung kontrata ko raw kailangang tapusin. Kung hindi ko raw tatapusin sagot ko daw yung pamasahe ko, eh wala nang pera di ba?," patuloy niya.
Inamin ni Pokwang na nang panahon na iyon, kinuwestiyon niya ang Diyos at ang kaniyang pananampalataya.
“Nakuwestiyon ko Siya. Sabi ko, bakit Mo ginawa sa akin ‘to? Meron po ba akong pagkukulang Sa’yo at sa kapwa ko? Sa pagkakaalam ko po wala. Kinuwestiyon ko Siya which is hindi dapat,” saad niya.
Sa paglipas ng panahon, napagtanto raw ni Pokwang na ang malungkot niyang mga karanasan ay paraan ng Diyos upang maging matibay siya sa darating na panahon para sa iba pa niyang mga anak.
Kasal si Pokwang sa American actor na si Lee O’Brian, at mayroon silang anak na si Malia, tatlong taon gulang. Ang isa pang anak ni Pokwang ay Ria Mae.
Bago nagtrabaho sa Abu Dhabi, nagtrabaho rin si Pokwang sa Japan bilang choreographer, entertainer, at dancer.
Nagtinda rin siya ng pagkain sa kalye at naging kasambahay.
Nang umuwi siya sa bansa mula sa Abu Dhabi, doon na nagsimula ang buhay-entertainment ni Pokwang sa comedy bar.– FRJ, GMA News