Muling nahigitan ng mga bagong kaso ng COVID-19 ang bilang ng mga bagong gumagaling. Sa datos ng Department of Health nitong Miyerkules, nakasaad na 12,021 ang mga bagong dinapuan ng virus habang 9,591 naman ang nadagdag sa listahan ng mga gumaling.
Dahil sa mga panibagong kaso ng COVID-19, hinatak nito ang kabuuang bilang ng mga aktibong kaso sa 81,399, pinakamataas mula noong April 24, 2021.
Ang mga aktibong kaso ay mga pasyenteng nagpapagaling sa mga ospital o nasa mga quarantine/isolation facility.
Sa naturang bilang, 94.8% ang "mild" cases, 1.5% ang "asymptomatic," 1.6% ang "severe," at 1% ang kritikal.
Ayon sa datos ng DOH, 68% ng intensive care unit beds at 49% ng mechanical ventilators sa bansa ang nagagamit na.
Habang sa National Capital Region (NCR), ginagamit ng mga pasyente ang 69% ng ICU beds at 51% ng mechanical ventilators.
Huling naitala na mas marami ang gumaling kaysa mga bagong kaso ng COVID-19 noong Agosto 2, batay pa rin sa datos ng DOH.
Sa naturang araw, 62,615 pa lang ang active cases matapos na madagdagan ng 8,167, habang mas marami ang mga bagong gumaling na 9,095.
Pero simula noong Agosto 3, unti-unti nang nahigitan ng mga bagong kaso ang mga bagong gumaling.
Naitala ang pinakamalaking agwat noong Agosto 5 na mayroong 8,127 na mga bagong kaso, kumpara sa 4,343 na gumaling.
At sa sumunod na araw, 10,623 naman ang mga bagong kaso, kumpara sa 3,127 lang na naitalang mga bagong gumaling.
Sa datos ng DOH ngayong Miyerkules, nakasaad din na nadagdagan ng 154 ang mga pasyenteng pumanaw, para sa kabuuang bilang na 29,374.
Sinabi rin ng DOH na 112 na pasyente na dating naitala na gumaling ang inilipat sa bilang ng mga nasawi matapos isagawa ang final validation.
Una rito, sinabi ng OCTA Research group na bagaman bumaba sa 1.74 ang reproduction number ng coronavirus sa NCR, hindi pa matiyak kung magpapatuloy na ito.—FRJ, GMA News