Kahit nakapagpatayo na ng magandang bahay ang kaniyang anak, bakit nga ba pinili pa rin ni Nanay Amelia Madriga na manirahan sa lumang bahay at patuloy na maglako ng balut gamit ang bisikleta.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing 14-anyos pa lang nang matuto si Nanay Amelia sa pagtitinda ng balut sa Urdaneta, Pangasinan.
Ngayon ay 62-anyos na siya.
Pero nang makapag-asawa siya at mag-abroad ang mister, tumigil na si Nanay Amelia sa pagtitinda ng balut para tutukan ang pag-aalaga sa dalawa nilang anak.
Taong 1992 nang umuwi ang kaniyang mister. Pero dahil sa hindi rin sila nakaipon, nagtuloy sa pagtitinda ng balut si Nanay Amelia para matulungan ang asawa.
Sa kabila ng mga nangyari, naipagpatayo naman ng padre de pamilya ng simpleng bahay ang kaniyang pamilya.
At noong 2016, pumanaw ang mister ni Nanay Amelia dahil sa sakit.
Pag-amin ng isa niyang anak, ikinahihiya niya noon ang hanapbuhay ng ina, bagay na pinagsisihan niya hanggang ngayon kung bakit niya nagawa.
Hanggang sa makapag-asawa na ang dalawa nilang anak at nakapagpatayo ng magandang bahay.
Pero sa kabila nito, pinili pa rin ni Nanay Amelia na mamuhay na mag-isa sa simpleng bahay pero naluma na sa paglipas ng panahon.
Patuloy din si Nanay Amelia sa paglalako ng balut gamit ang bisikleta, umulan man o umaraw, kahit pa may baha.
Sa huling pagkakataon, kakausapin ng anak si Nanay Amelia na samahan na sila sa kanilang bagong bahay.
Pumayag na kaya si Nanay Amelia? Tunghayan ang nakaaantig na kuwento sa video na ito ng "KMJS."
--FRJ, GMA News