Ang simpleng bukol sa paa at kamay, senyales na pala ng pagkakaroon ng gout. Paano nga ba nakukuha ang naturang sakit at paano rin ito maiiwasan? Alamin.
Sa programang "Pinoy MD," ikinuwento ni Arthur Miguel, kung papaano binago ng gout ang kaniyang buhay.
Malakas ang pangangatawan noon ni Arthur at hindi niya pinansin ang pagkakaroon niya ng bukol sa paa at kamay.
Nagpatuloy din siya sa pag-inom ng alak at pagkain ng mga lamang-loob na nagpapataas ng uric acid, na siyang nagiging dahilan ng pagkakaroon ng gout.
Pagkaraan ng panahon na hindi ipinasuri sa duktor, ang mga bukol ni Arthur ay nagsimula nang sumakit, nagkaroon ng sugat, at may lumabas na puting kristal.
Kapag umatake ang sakit, wala nang magawa si Arthur kung hindi ang tumigil sa bahay.
Doon na nagpasya si Arthur na magpakonsulta at nalaman niyang mayroon siyang gout. Pero ang gout, mas malala na rin ang kalagayan na tinatawag na chronic tophaceous.
Paliwanag ng espesyalista, lahat naman ng tao ay mayroon uric acid sa katawan na karaniwang inilalabas sa pag-ihi at pagdumi.
Pero kapag masyadong mataas ang uric acid sa katawan, kumakapit ito sa kasu-kasuan na nagreresita sa pamamaga at pananakit.
Bukod sa pagkain, namamana o nasa genes din o lahi ang pagkakaroon ng gout.
Karaniwan daw tumatama ang gout kapag nagkakaroon na ng edad ang mga tao, maging ang mga babaeng menopausal.
Alamin sa video na ito ng "Pinoy MD" ang mga paraan ng paggamot sa gout, at ano ang mga puwedeng gawin upang makaiwas sa napakasakit na sakit.
--FRJ, GMA News