Pinipilahan sa New York City, USA ang mga Pinoy street food tulad ng isaw, betamax, adidas, at tenga ng baboy.
Sa ulat ni Athena Imperial sa GMA News "24 Oras Weekend," sinabing naisipin ni Robin John Calalo, na magtinda ng Pinoy street food nang minsan naghanap siya nito.
"So nag-decide akong mamalengke may dala akong $50, nag-try akong magluto. Dinamihan ko na, binenta ko," kuwento ni Calalo na binansagang "Boy Isaw."
Una raw bumili sa kaniya ang mga kaibigan at kamag-anak hanggang sa magtuloy-tuloy na.
Hindi raw inasahan ni Calalo na maging sa mga banyaga at papatok ang mga Pinoy street food, nang gawin na niya itong negosyo noong 2019.
Lalo pa raw dumami ang order nang magkaroon ng COVID-19 pandemic.
Kaya mula sa $50 o P2,500 na puhunan, ngayon ay kumikita na raw siya ng P200,000 sa isang linggo.—FRJ, GMA News