Bumuhos ang suporta kay Raymond Gutierrez mula sa mga kaibigan, kaanak at maging sa netizens matapos niyang ihayag sa publiko na miyembro siya ng LGBT community.
Ibinahagi ni Raymond ang kaniyang kuwento sa exclusive interview ng MEGA Magazine at ipinost niya ang cover nito sa kaniyang Instagram feed nitong Linggo.
Sa naturang post, ipinakita ng mga kaibigan, kaanak, at netizens ang kanilang suporta sa TV host.
Kabilang sa mga sumuporta kay Raymond ang kaniyang kapatid na si Ruffa, na nag-post din sa kaniyang Instagram Stories para ipaalam ang pagmamahal sa kapatid.
Nagpahayag din ng suporta ang mga anak ni Ruffa na sina Lorin at Venice Bektas, gayundin ang kakambal ni Raymond na si Richard Guttierrez, at asawa nito na si Sarah Lahbati.
Ilan sa mga nagpaabot ng kanilang pagmamahal kay Raymond ay sina BJ Pascual, Georgina Wilson, Anne Curtis, Solenn Heussaff, Nico Bolzico, Isabelle Daza, Maggie Wilson, Liz Uy, Angie Mead-King, Mark Bumgarner, Will Dasovich at Angel Locsin.
Dating child stars ang kambal na sina Richard at Raymond. Bagaman nagpatuloy sa pag-aartista si Richard, nagpahinga naman si Raymond hanggang sa pasukin niya ang pagiging TV host sa edad 19.
Sa panayam ng MEGA, inihayag ni Raymond ang mga hirap na pinagdaan na ilihim sa publiko ang tunay niyang pagkatao dahil sa pagiging miyembro ng kilalang pamilya sa showbiz.
Nakatulong umano kay Raymond ang COVID-19 pandemic para mapantanto na maigsi lang ang buhay at dapat maging masaya siya at totoo sa sarili.
"I'm here to formally say that I am a proud member of the LGBTQ community. And it feels great saying that publicly because I am," ayon kay Raymond.
Sa isang post ngayong Lunes, nilinaw ni Raymond na hindi siya nag-"out" dahil hindi naman niya itinanggi kung ano siya.
"I never denied who I was. I just never shared my story publicly until now," saad niya.
"I’m thankful to those close to me - my friends and family for giving me the confidence to embrace myself fully without judgement," patuloy niya.
"I want to encourage those who feel alone that it’s never too late to love yourself, acknowledge those feelings and face your fears —- because it feels damn good to be on the other side," ayon pa kay Raymond.
— FRJ, GMA News