Sa loob ng nakalipas na anim na taon, inalagaan na parang "pet" ang isang bayawak na nailigtas sa pagiging pulutan. Pero ngayon, nagpasya ang may-ari nito na i-surrender na ang bayawak para maibalik sa natural nitong tirahan. Pero puwede pa kaya itong pakawalan sa "wild?"
Sa programang "Born To Be Wild," pinuntahan ni Doc Nielsen Donato ang bayawak na inalagaan ni Jaime Montuerto ng Las PiƱas.
Kaagad na napansin ni Doc Nielsen na naging maamo na ang bayawak na pinangalanang "Aspira." Kumakalong kasi ito at nagagawang himasin o hawakan ng tao.
Malaya rin siyang nakakalakad sa loob ng bahay ni Jaime.
Pero sa edad nito na mahigit anim, sinabi ni Doc Nielsen na maliit ang pangangatawan ni "Aspira." Dala umano ito marahil sa uri ng kaniyang kinakain bilang alaga, at limitadong ginagalawan.
Kuwento ni Jaime, nahuli nila ng kaniyang mga katrabaho ang bayawak malapit sa kanilang pinagtatrabahuhan.
Binalak daw ng mga katrabaho niya na pulutanin ang bayawak. Pero dahil sa awa, inarbor niya sa mga katrabaho ang bayawak at ginawa na lang niyang pet.
Pagkaraan ng anim na taon na pag-aalaga, naisipan ni Jaime na i-surrender na lang ang bayawak para maibalik sa wild at ma-enjoy ang buhay sa natural nitong tirahan.
"Kailangan na niya sigurong bumalik sa wild at patanda na rin siya. Baka makapag-reproduce pa siya. Sa amin, tatanda lang siya, 'yon lang aabutin niya," sabi ni Jaime.
Subalit sa pagbabago ng ugali ni Aspira na naging maamo na sa tao, puwede pa nga ba siyang pakawalan sa wild?
Tunghayan ang buong kuwento, kasama pa ng dalawang bayawak na isinuko at plano na ring ibalik sa natural nilang tirahan. Panoorin ang video.
--FRJ, GMA News